Ni Gilbert Espeña
PINATULOG ni Jayar Inson si dating OPBF at Philippine super lightweight champion Romeo Jakosalem sa ikatlong round upang maangkin ang Philippine welterweight crown nitong Linggo sa Gaisano Mall of Toril sa Davao City.
Naging WBO Asia Pacific welterweight titlist si Inson nang patulugin ang Hapones na si Ryota Yuda sa Osaka, Japan noong Disyembre 4, 2016.
Ngunit, lumasap siya ng unang pagkatalo sa puntos kay undefeated South African welterweight titlist Thulani Mbenge noong Hunyo 10, 2017 bago agad nakabawi nang talunin sa puntos si WBO Greater China 147 pounds champion Yangcheng Jin sa Beijing, China noong Setyembre 29, 2017.
May rekord ngayon ang tubong Davao City na si Inson na 16 panalo, 1 talo na may 11 pagwawagi sa knockouts at umaasang mapapalaban sa OPBF welterweight title bout sa kanyang susunod na laban.
Sa undercard ng sagupaan, pinatulog naman ni three-time world title challenger Richie Mepranum ang bagitong si Jestonie Makiputin sa 2nd round ng kanilang super bantamweight bout.