Ni Leslie Ann G. Aquino

Kabilang ang mga paa ng mga migrante, refugees at bakwit sa mga huhugasan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bukas, Huwebes Santo.

Huhugasan din ng cardinal ang paa ni Father Teresito “Chito” Suganob, 57, na ilang buwang binihag ng mga teroristang Maute sa Marawi City noong nakaraang taon.

“Even after his agonizing ordeal as a hostage during the Marawi crisis, he says he still believes in promoting understanding and peace among peoples. In this Year of the Clergy and Consecrated Persons, his living witness is a beacon of faith and communion,” saad sa Facebook post ng Manila Cathedral, tinutukoy si Fr. Suganob.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hihilera rin kay Fr. Suganob para sa “Washing of the Feet” sina Crisanto at Eva Demafelis, ang mga magulang ni Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na ang bangkay ay natagpuan sa freezer ng isang apartment na mahigit isang taon nang abandonado sa Kuwait.

Kabilang din sa listahan sina Mr. at Mrs. Irfan Masih antd Shazia Irfan, Mr. at Mrs. Danilo at Janet Pelayo kasama ang anak nilang si Danica, sina Isidro Indao at Kayla Bontolan, at sina Mr. at Mrs. Giovanni at Yolicres Badidles.

Ang mag-asawang Irfan ay mga dayuhang Katoliko na piniling manirahan sa Pilipinas upang makaiwas sa religious persecution sa kanilang bayan.

Ang pamilya Pelayo naman ay nakatira na ngayon sa Cabuyao, Laguna makaraang ma-relocate mula sa Paco, Maynila, at kumakatawan sa libu-libong mahihirap na pamilya na nahaharap sa matinding hamon ng pagsisimulang muli makaraang mapaalis sa nag-iisa nilang tirahan.

Kapwa naman pinuno ng mga Lumad ang environmental defenders na sina Indao at Bontolan, mga bakwit na lumikas mula sa kanilang lugar dahil sa malawakang militarisasyon at pagkawasak ng kanilang mga komunidad dahil sa pagmimina.

Kinakatawan naman ng mag-asawang Badidles, mula sa Philippine Navy, ang mga sundalong nagpapalipat-lipat ng tirahan dahil sa tawag ng tungkulin na ipagtanggol ang bansa.

Pinili ang nasabing mga indibiduwal alinsunod sa panawagan ni Pope Francis “[to] embrace all those fleeing from war and hunger, or forced by discrimination, persecution, poverty and environmental degradation to leave their homelands.”

Idaraos ang “Washing of the Feet” sa Manila Cathedral, sa ganap na 5:00 ng hapon, kasabay ng misa para sa Huling Hapunan ni Kristo.