Ni REGGEE BONOAN
DAHIL parati naming isinusulat si Kris Aquino ay kami tuloy ang tinatanong ng mga tagahanga niya kung bakit hindi na sina Deo T. Endrinal at Boy Abunda ang manager niya. Ano raw ang nangyari.
Actually, sa post ni Kris sa Instagram nang sabihin niyang ang Cornerstone Entertainment na ang bagong hahawak sa non-digital deals niya ay ang daming nagtatanong na followers niya kung ano na ang nangyari kina Deo at Boy.
Pakiramdam namin, ayaw ni Kris na humaba pa ang isyu o wala naman siyang dapat ipaliwanag din, kaya hindi na lang niya sinasagot.
Anyway, hindi pa namin nakakausap si Sir Deo na kasalukuyang nagpapahinga sa ibang bansa, pero sa pagkakaintindi namin noong umalis na si Kris sa ABS-CBN ay doon na rin naputol ang business relationship nila ng Dreamscape Entertainment head. Saka ang alam din namin ay consultant na lang ang TV executive sa shows at movies ng Queen of All Media maging noong mga huling bahagi ng pananatili niya sa Dos.
Hindi namin mahagilap si Kuya Boy na abala naman sa advanced tapings para sa Tonight With Boy Abunda dahil plano nitong magbakasyon.
Nakatsikahan namin ang taong malapit sa kanya at naitanong namin ang tungkol sa kanila ni Kris.
“’Yung relasyon nina kuya Boy at Kris as friends, hindi naman nawala ‘yun, in fact nagkaka-text-an naman sila, nagkakausap, hindi nga lang kasing dalas ng dati nu’ng nasa ABS pa si Kris. Aminin mo naman, parehong busy ang lolo’t lola mo.
“Ang pagkakaalam ko, binati ni Kuya Boy si Kris noong birthday niya, nagpadala pa nga ng flowers si Kuya Boy at kinunan ‘yun ni Kris, nasa IG post niya.
“Tungkol sa pagma-manage, matagal nang hindi, last year pa at maayos silang dalawa. In fact kilala ni Kuya Boy ‘yung Online Team ngayon ni Kris, sina Nicko (Falcis), kasi ka-text ni Kuya Boy kapag may inquiry pa for product endorsements.
“Ipinapasa ni Kuya Boy kay Nicko like ‘yung Ariel, for renewal yata, sinabi ni Kuya Boy kay Nicko ‘yun. And Kuya Boy appreciates Nicko kasi napakagalang, napakabait at millennial daw,” kuwento ng taong may alam sa magandang paghihiwalay nina Kris at Kuya Boy as talent and manager.
Sinabi namin na marami ang nagtatanong tungkol kay Kuya Boy as manager ni Kris dahil bukambibig siya kapag may mga bagong projects ang una.
“Kaya nga for the record, ang hawak noon ni Kuya Boy ay product endorsements lang at wala nang iba pa, kasi nga movies, TV shows ay kay sir Deo ‘yun,” sabi sa amin.
Walang written contract sina Kuya Boy at Kris bilang talent at manager. Ganito rin ang ibang naging talents sa Backroom, Inc. dahil hindi uso sa kay Kuya Boy ang kontrata, usapang magkaibigan ang mahalaga sa kanya. Natatandaan naming sabi ng TV host noon, ayaw niya na may kontrata dahil ayaw niyang itali ang talent kung gusto nang umalis sa kanya.
Concentrated si Kris sa digital platporm na inamin ni Kuya Boy na hindi nito forte, kaya kinuha ni Kris ang grupo ni Nicko para umasikaso sa brand partners na napapanood sa webisodes sa IG, YouTube, at Facebook.
Ngayong may mga offer uli kay Kris para sa non-digital platforms, kinuha niya si Erickson Raymundo ng Cornerstone Entertainment na alam naman ng industriya na very professional sa paghawak sa talents.