Ni Mary Ann Santiago

Patay ang 18-anyos na lalaki makaraang barilin ng kanyang kapitbahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Jobert Sario, ng Building 28, Aroma Temporary Housing Unit, dahil sa tama ng bala sa tiyan.

Nagsasagawa ng manhunt operation ang mga pulis laban sa suspek na si Joshua Velasco, nasa hustong gulang, kapitbahay ng biktima.

Eleksyon

Ben Tulfo sa pagtakbo rin niya bilang senador: ‘This is another Tulfo’

Sa salaysay sa Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS) ni Jhonas Alvarado, residente sa naturang lugar, naglalakad siya patungo sa bahay ng kaibigan nang bigla siyang tutukan ng baril ng suspek, dakong 1:50 ng madaling araw.

Nagawa umanong tumakbo ni Alvarado at nagtago sa hagdan kaya masuwerteng hindi tinamaan nang paputukan siya ng suspek hanggang sa makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril na sinundan ng paghingi ng saklolo ni Sario.

Pag-alis ni Velasco, agad tinulungan ni Alvarado ang biktima at dinala sa pagamutan ngunit patay na ito.

Patuloy na inaalam ang motibo sa pamamaril.