Ni FRANCIS T. WAKEFIELDPERSONA

Inihayag kahapon ng pinuno ng Armed Forces of the Philippines-Joint Task Force (AFP-JTF) Sulu na gagawin nila ang lahat ng makakaya upang matuldukan na ang ilang taon nang problema ng bansa sa Abu Sayyaf bago matapos ang 2018.

Ito ang inihayag ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana nang kapanayamin sa telepono isang araw makaraang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Sulu para sa pagsuko ng ilang miyembro ng Abu Sayyaf, bitbit ang kani-kanilang armas.

“Kakayanin natin... magiging optimistic tayo,” sabi ni Sobejana.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon kay Sobejana, sa kasalukuyan ay nasa pagitan ng 300 at 400 ang miyembro ng Abu Sayyaf, idinagdag na hawak pa rin ng grupo ang 10 bihag—isang Dutch, tatlong Indonesian, at anim na Pinoy.

Sinabi rin ng JTF Sulu commander na kuntento ang Pangulo sa mga ikinakasang operasyon ng militar laban sa Abu Sayyaf, lalo na at malaki ang nabago sa pangkalahatang seguridad sa Sulu.

“Okay naman... Oo, masaya siya (Duterte) na may significant improvement sa security situation sa Sulu,” sabi ni Sobejana. “But of course chinallenge niya ‘yung local government to also do their part.”

Inamin ni Sobejana na bagamat malaki ang bentahe ng militar kumpara sa grupo ng mga bandido sa usapin ng puwersa, mahalaga pa ring maging maingat sila dahil hawak pa ng Abu Sayyaf ang mga bihag nito.

“Kaya naman, actually patapos na, eh. Ano na lang ‘yan, eh, makuha natin ‘yung... ang priority kasi natin ‘yung kidnap victims, para hindi na restricted ‘yung ating operation. Sa ngayon kasi with the kidnap victims siyempre medyo calculated (ang kilos ng militar). Kapag nawala ‘yan, priority ‘yan, the freedom of the kidnap victims,” ani Sobejana.

Sa pagbisita ng Pangulo sa Sulu nitong Lunes, umapela siya na matapos na ang karahasan sa Mindanao.

“I’d like to tell you now, if somebody is listening, stop it, stop it,” sinabi ni Duterte sa harap ng mga lokal na opisyal at mga residente sa capitol gym sa Patikul. “Kung walang pera ang tao (bihag), bakit mo patayin? Stop it.

It does not look good. I’m not angry at you but stop it kasi hindi maganda.”