Ni Mina Navarro

Kinasuhan ng Bureau of Customs-Bureau’s Action Team Against Smugglers (BOC-BATAS) sa Department of Justice (DoJ) ang dalawang importer at customs brokers, dahil sa gross undervaluation of imports at large-scale agricultural smuggling.

Pinakasuhan sa DoJ sina Fabian A. Go, may-ari at major stockholder ng Granstar Premiere Sports Corporation; at ang Customs broker na si Norinel O. Quezana, na siya umanong nagproseso sa mga inangkat na ilegal na kargamento.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nag-ugat ang naturang kaso sa ipinadalang shipment ng Granstar na 112 bagong unit ng Vespa scooters, na galing sa Singapore at dumating sa Subic Bay Freeport Zone.

“The importer and the customs broker have violated sections 2503 (Undervaluation, Misclassification, Misdeclaration in Entry), 3602 (Various Fraudulent Practices against Customs Revenue), 3601 (Unlawful Importation) of the Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP), and article 172 (Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents) of the Revised Penal Code,” sabi ni Customs Commissioner Isidro Lapeña.

Pebrero 10, 2015, inalerto ang mga kargamento ng Granstar dahil sa gross undervaluation habang nagbaba naman ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) si dating District Collector Arnulfo Marcos ng Port of Subic noong Pebrero 16, 2015.

Ayon sa mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Setyembre 17, 2014 sinuri ang nasabing mga container at $50,400 o P2,504,128 halaga ang idineklarang imported na mga kalakal, mas mababa kumpara sa $3,448.24 bawat unit na aktuwal na halaga ng kargamento.

Base sa BATAS complaint-affidavit, ang idineklarang halaga ng mga shipment, kasama pa ang duties and taxes, ay nasa P3,647,770, ngunit base sa halaga na ipinagkaloob ng Import Assessment Service (IAS) noong Enero 26, 2015, ang aktuwal na dutiable value ng kargamento ay nasa P28,297,167.46, na may malaking pagkakaiba sa halaga na aabot sa 87 porsiyento.

Ang nasabing mga kargamento ay dumating sa Subic noong Enero 22, 2014 at inihain ang entries nito noong Setyembre 2014.

Gayundin, kinasuhan si Leoncio Victor S. Mangubat, may-ari ng Seven Myth Marketing, dahil sa pagkakasangkot ng dalawa nitong shipment na mula sa China, na naka-consigned sa kanyang kumpanya, at dumating sa Port of Cebu noong Nobyembre 27 at 29, 2017, kasama ang customs broker na si Mary Faith D. Miro.

Idineklara ng consignee ang dalawang shipment bilang ceramic tiles, ngunit natuklasang naglalaman ng 7,150 sako ng tig-50 kilong Sinandomeng Aguila at Sinandomeng Mayon rice na may tinatayang P10,013,503.50 duties and taxes.

Sa inspeksiyon, sa 15 container ay isa lang ang naglalaman ng ceramic tiles dahilan upang ialerto ang kargamento noong Disyembre 7, 2017, base sa derogatory information na natanggap ng kawanihan at kalauna’y kinumpiska noong Disyembre 13, 2017.