Ni Mary Ann Santiago

Selda ang binagsakan ng isang Uber driver na nagtangkang bumaril sa isang pulis na nakaalitan nito sa trapiko sa Marikina City, nitong Linggo ng umaga.

Kaagad inaresto ang suspek na si Loreto Sta. Catalina, 48, Uber driver, ng Newton 1A, Barangay Mayamot, Antipolo City, Rizal matapos tangkaing barilin si PO3 Ramilo de Pedro, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Marikina City Police.

Sa ulat ng Marikina City Police, na pinamumunuan ni Senior Supt. Roger Quesada, nangyari ang insidente sa harapan ng Refill gasoline station sa Guerilla Street, sa Bgy. Sto. Niño, dakong 9:40 ng umaga.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kagagaling lang ng biktima sa pagsisimba kasama ang kanyang pamilya nang makairingan ang suspek dahil sa gitgitan sa trapiko.

Bumaba umano nsa kanyang sasakyan ang suspek, na armado ng .38 caliber revolver, at tinutukan ang biktima.

Nagpakilala namang pulis ang biktima at inatasan ang suspek na ibaba ang baril at sumuko ngunit sa halip na sumunod ay kinalabit ng suspek ang gatilyo ng kanyang baril, na masuwerteng hindi tinamaan nang makailag si PO3 de Pedro.

Mabilis na rumesponde ang mga pulis sa lugar na sanhi ng pagkakaaresto sa suspek, at narekober ang baril na kargado ng limang bala sa sahig ng itim na Isuzu Crosswind ng suspek.

Nakakulong ngayon ang suspek sa detention cell ng Marikina City Police at sasampahan ng kasong frustrated homicide at illegal possession of firearms.