Ni Clemen Bautista
SA panahon ng pangingilin kung Semana Santa lalo na ngayong Martes Santo, ang mga simbahan ay walang malaking ritwal maliban sa idinaraos na Misa sa umaga at hapon. Ngunit ang kalungkutan, hapis at diwa ng pagpapakasakit ay malinaw na mapapansin sa mga altar na hubad at ulila ng mga palamuting bulaklak. Gloomy atmosphere kumbaga. Idagdag pa rito ang kulay purple o violet na casulla ng pari na ginagamit sa pagmimisa. Maging ang mga imahen sa loob ng simbahan ay may takip na kulay purple na tela. Ang mga nabanggit ay sagisag ng mga penitential sufferings o hirap ni Kristo.
Ngayong Martes Santo, isang magandang pagnilayan ay ang bahagi ng Gospel o Ebanghelyo, kung saan mababasa ang ginawang denial o pagtatwa ni San Pedro kay Kristo nang Siya’y dakpin ng mga kawal. May naniniwalang mga church scholar na kung hindi ginabayan ng Espiritu Santo ang mga Ebanghelista, malamang na hindi nila naisulat ang pagtatwa ni San Pedro kay Kristo at ang pagkakanulo o pagtataksil ni Judas Iscariote sa Panginoon.
Ang tinutukoy na denial o pagtatwa ni San Pedro ay nang dakpin si Kristo ng mga Hudyo. Nang tanungin at kulitin si San Pedro ng isang alilang babae kung kilala o barkada niya siKristo, tatlong beses niya itong itinatwa, na kinontra ng dalawang beses na pagtilaok ng tandang na manok.
Ang ginawang pagtatwa ni San Pedro kay Kristo ay binanggit sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas. “Pedro, ani ni Jesus, tandaan mo, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makatatlo mo akong itatatwa.”Sa mga church scholar, ang denial o pagtatwa ni San Pedro kay Kristo ay simbolo o sagisag ng kawalang katapatan.
Sa buhay-kristiyano lalo na sa ating makabagong panahon, hindi pa rin nawawala ang mensahe ng pagtatwa ni San Pedro kay Kristo --- ang katapatan at pagharap sa katotohanan ng buhay. Hindi maitatanggi at isang katotohanan na marami sa atin, lalo na ang mga nasa pamahalaan, ay iba ang sinasabi kaysa ginagawa. Sa ganitong gawain, hindi lamang itinatatwa si Kristo kundi inilulubog pa sa kahirapan sa pamamagitan ng pandaraya at pagiging hindi matapat sa tungkulin, sa kapwa at sa ating bansa. Dahil dito, naglalaho ang diwa ng pagka-kristiyano at nawawala ang kanilang kredebilidad.
Sa bawat panahon ng paglilingkod sa pamahalaan at pagpapalit ng rehimen, matibay na halimbawa at lumiliyad na katotohanan ang mga nangyayaring katiwalian o scam sa gobyerno, na ang mga sangkot ay malalaking tao at pinuno. Mga katiwaliang masasabing high level na suhulan at pagnanakaw. May nagaganap rin na malaking katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Malilimot pa ba ang nakalusot o naipuslit na droga sa Bureau of Customs (BoC) na bilyon piso ang halaga? Nagkaroon pa ng senate hearing sa Senado ngunit walang naparusahan at nakulong na mga bugok na tauhan sa BoC. Nakulong lamang ang maangas na BoC Commissioner dahil kinasuhan ng contempt ng Senado. Nabigyan pa ng bagong puwesto sa gobyerno ni Pangulong Duterte. Sabi nga ng iba nating kababayan: Bagyo ang lakas sa Pangulo.
Kapag nabubunyag ang anomalya sa gobyerno, karaniwan na ang mga sangkot ay tumatanggi at todo-kaila na walang nalalaman o kinalaman sa umalingasaw na anomalya at corruption. Ang iba’y pinangingibang bansa upang malayo sa pag-uusig. Nangyayari pa kung minsan na ang mga sangkot sa katiwalian ay protektado ng Executive Order upang hindi maimbestigahan at manatiling tikom ang bibig.
Katulad ni San Pedro na dahil sa takot, pangamba at kahihiyan (kung mayroon man sila nito), naglalaho ang katapatan sa tungkulin at kredibilidad. Ang nangibabaw lagi ay ang pansariling kaligtasan sa magaganap na pag-uusig.
Sa ilang ARAL sa Pasyon na sinulat ni Padre Mariano Pilapil, angkop at napapanahon pa rin ang pagtatwa at pagkakaila sa maling ginawa. Ganito ang sinasabi ng ARAL: “Kung di mo babawahan, gayong katampalasanan, tantong kahina-hinayang, ang kauluwa mong iyan, sa impiyerno’y gagatungan”. “Kaya kristiyano’y magbawa, ng iyong pagkakasala, maawa ka nang talaga at iyong ikabalisa ang aba mong kaluluwa”. “At kung di ka gumanito, hunghang, malupit na tao. Ano ang masasapit mo, kundi hirap sa impiyerno, ang siya mong matatamo!”