Ni PNA
GINAWARAN ng Philippine National Police (PNP) Wounded Medal nitong Sabado si Chief Inspector Jake Barila, ang pulis na nasugatan habang umaawat sa lalaking nag-aamok nitong Marso 21.
Iniabot ni Chief Supt. Cesar Binag, director ng Police Regional Office (PRO)-6, ang medalya kay Barila habang nakaratay pa at nagpapagaling sa Dr. Pablo O. Torre Memorial Hospital sa Bacolod City, at saksi sa paggawad ang kanyang asawa at mga anak.
Inilahad ng PRO-6 sa isang pahayag na si Barila—ang officer-in-charge ng Hinigaran Municipal Police sa Negros Occidental—ay isang bayani, at ang kanyang katapangan at katapatan sa pagtupad sa tungkulin ay dapat na tularan.
Pinangunahan ni Barila ang grupong rumesponde sa Victoria de Ysasi sa Hacienda Manucao-A, Barangay Palayog, kung saan nagwawala si Dabi de Ysasi. Itinawag ng magulang ni Ysasi sa pulisya ang insidente.
Nagpaputok ang batang de Ysasi ng .45 caliber pistol at binugbog pa ang kanyang ina. Nagbanta rin siyang papatayin ang lahat ng nasa loob ng bahay kapag hindi siya binigyan ng pera.
Tinangkang kumbinsihin ni Barila si de Ysasi na kumalma at sumuko nang mapayapa, ngunit mas lalong naging bayolente ang suspek, at umabot sa tatlong oras ang negosasyon.
Pinaputukan ni de Ysasi ang mga pulis, at tinamaan si Barila sa kaliwang hita. Gumanti naman ng putok si Barila at nabaril sa dibdib ang suspek.
Kasalukuyang ginagamot sa ospital sa siyudad ang suspek, na kinilalang bagong drug personality ng pulisya sa Hinigaran.