Ni Mary Ann Santiago

Muling kinalampag kahapon ng mga residente ng San Juan City ang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila kaugnay ng inihain nilang recall petition laban kay incumbent Mayor Guia Gomez.

Nakiisa naman si dating San Juan City Vice Mayor Francis Zamora sa kanyang mga tagasuporta sa pagpoprotesta sa harapan ng Comelec sa Intramuros, dakong 9:15 ng umaga kahapon, upang ipanawagan na magpalabas ang poll body ng opisyal na kopya ng resolusyon na nagbabasura sa motion for reconsideration na inihain ni Gomez.

Unang naghain ng recall petition laban kay Gomez ang 30,000 residente ng San Juan na inaprubahan naman ng poll body.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iniapela naman ni Gomez ang desisyon ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nagpapalabas ang poll body ng kopya ng desisyon nito kaugnay ng apela ng alkalde.

Ayon kay Zamora, ang kopya na lang ng botohan ng Comelec ang kailangan upang makadiretso at umusad na sa beripikasyon ng mga lagda ng 30,000 petitioner at maituloy ang recall election sa kanilang lugar.

Nagdududa si Zamora sa sobrang kabagalan ng Comelec sa paglalabas ng desisyon, gayong kailangang malagdaan ng mga komisyuner ang pinal na desisyon sa petisyon.

Pinaalalahanan pa ni Zamora ang Comelec na hanggang Mayo 11, 2018 na lang ang petsa upang umaksiyon sila sa petition for recall dahil itinatakda ng batas na ang recall election ay hindi na maaaring isagawa isang taon bago ang susunod na halalan o ang May 2019 national and local elections.