Ni Gilbert Espeña
TIYAK na aangat sa world rankings sina Giemel Magramo at Jonathan Taconing matapos magwagi sa kani-kanilang laban kamakalawa ng gabi sa Okada Manila Hotel & Casino sa Paranaque City.
Napatigil ni Magramo sa 7th round si dating Minproba super flyweight champion Michael Bravo upang masungkit ang WBO Oriental flyweight title.
Kumbinsido namang tinalo sa 10-round unanimous decision ni Taconing si dating IBF Youth flyweight titlist Robert Onggocan kaya hihintayin na lamang niya kung kailan magiging mandatory contender sa WBC o WBO na nakatala siya bilang No. 2 contender.
Nakalista rin si Taconing na No. 5 sa WBA at No. 11 sa IBF rankings na kampeon si Ryoichi Taguchi ng Japan na ginapi sa puntos si dating IBF Milan Melindo ng Pilipinas noong Diyembre 31, 2017 sa Tokyo, Japan.
Napaganda ni Magramo ang kanyang rekord sa 21 panalo, 1 talo na may 17 pagwawagi sa knockouts at kasalukuyang No. 13 contender kay bagong WBA flyweight champion Artem Dalakian na tumalo sa puntos kay Fil-Am two-division world titlist Brian Viloria kamakailan.
Tiyak na papasok siya sa WBO flyweight rankings na kampeon si Sho Kimura ng Japan sa susunod na listahan para sa buwan ng Marso.
Umangat naman ang kartada ni Taconing sa 27-3-1 na may 22 pagwawagi sa knockouts.