Ni Bert de Guzman
TALAGA bang may kakulangan ng bigas sa bansa ngayon? Ito ang nais malaman ng mga mamamayan mula sa National Food Authority (NFA). Sa ilang pagdinig sa Senado, nanggagalaiti si Sen. Cynthia Villar sa NFA dahil sinasabi nitong kulang daw ang bigas gayong kasalukuyang nag-aani ng palay ang mga magsasaka sa mga lalawigan.
Partikular na pinangggalaitan ni bilyonaryang Sen. Villar si NFA administrator Jason Aquino na nagsabing nagkukulang ng bigas. Hiningi niya ang pagbibitiw ni Aquino dahil nakalikha ang kanyang pahayag ng panic at nabahala ang mga Pinoy na baka wala silang makaing bigas.
Dahil sa pahayag ng NFA, sinamantala ito ng mga tuso at masisibang negosyante ng bigas samantalang inipit at itinago naman ng rice hoarders at profiteers ang kanilang mga produkto para maghintay ng panahon na ibenta nang mahal.
Sa puntong ito, iminungkahi ni Manila 1st District Manuel “Manny” Lopez na usigin, parusahan at ibilanggo ang mga rice hoarder at profiteer. Naghain siya ng panukala sa Kamara hinggil dito.
Sa kanyang HB 7417 (Rice Security and Stability Act of 2018), sinabi niyang iwasan ang sisihan tungkol sa rice shortage at operasyon ng rice cartel at tugisin ang mga tao, grupo at negosyo na gumagawa ng katiwalian.
Batay sa HB 7417, ang hoarding ay pag-iimbak ng sobrang bigas na higit sa normal na imbentaryo, at ang profiteering ay sobrang pagpataw ng presyo sa bigas na hindi alinsunod sa market value nito.
Ang cartel ay kumbinasyon naman o kasunduan ng dalawa o higit pang tao na sangkot sa produksiyon, proseso, pag-iimbak at di-makatwirang pagmamanipula ng presyo ng bigas. Inatasan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Jason Aquino na pulungin ang rice traders at himuking tumulong sa paglutas ng rice shortage.
Pagmumultahin ng P50 milyon at pagkabilanggong hindi bababa sa anim na taon o hihigit sa 12 taon ang ipapataw na parusa sa mga taong lalabag, batay sa panukala ni Lopez.
Sa paglipas ng mga taon, nag-iiba ang tono ni PRRD nang hikayatin niya ang mga kalaban sa pulitiko at kritiko na samahan siya sa pagpapalakad ng gobyerno, para matamo ng Pinas ang development at progreso.
Badya ng Pangulo: “Kalimutan na natin yung mga parti-partido”. Kalimutan na raw ang lumipas tutal siya naman ang inihalal at hindi sina Mar, Grace, Binay atbp. Aba, magandang senyales ito mula sa kanya. Kung ganoon Mr. President, palayain mo na si Sen. Leila de Lima. Naniniwala ang taumbayan na ang pagpapalaya kay Sen. Leila ay patunay na lantay at tunay ang hangarin mong pagkakasundo.