NINAIS ng Kamara de Representantes na ipagpaliban sa ikatlong pagkakataon ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa panukalang ipinasa nito noong nakaraang taon sa botong 164-27.
Mapalad naman ang bansa, partikular ang mga nagpapahalaga sa halalan bilang sentro ng demokratikong sistema ng pamahalaan, dahil walang bersiyon sa Senado ang nasabing panukala. Dahil dito, ang huling pagtatangka na muling ipagpaliban ang eleksiyon ay “patay na”, ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ang barangay at SK elections noong Oktubre 31, 2016 ang unang nakansela, sa dahilang katatapos lamang ng halalang pampanguluhan noong Mayo ng nasabing taon makalipas ang isang taon ng pangangampanya at mayroon umanong “election fatigue” ang mga botante. Dahil dito, ipinagpaliban ng isang taon ang halalan at itinakda sa Oktubre 23, 2017.
Subalit muli itong kinansela—upang makatipid—at itinakda ng Mayo 14, 2018.
Ito ang eleksiyong nais na namang kanselahin ng Kamara at ipagpaliban sa Oktubre 8, 2018, dahil dapat umanong isabay sa plebisitong inaasahan para sa pagbabago ng Konstitusyon, upang makatipid. Subalit wala pa namang plebisitong nakatakda sa Oktubre ngayong taon, o limang buwan mula ngayon. Wala pa nga ring bagong Konstitusyong pagbobotohan. Ano, kung gayon, ang lehitimong dahilan para sa panibagong pagpapaliban sa halalan?
Walang anumang suportang nakuha ang Kamara sa isinusulong nitong panibagong pagpapaliban sa halalan. Nagpahayag pa nga ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ng “vigorous opposition” sa alinmang pagpapaliban sa eleksiyon, iginiit na mahalaga ang regular na botohan upang may pananagutan ang mga halal na opisyal ng bansa.
Inihayag ni Pangulong Duterte na maraming halal na kapitan ng barangay ang ibinoto sa tulong ng perang kinita sa ilegal na droga. Idinagdag pa niyang maaaring muling mahalal ang mga ito dahil sa kaparehong suporta. Hindi mareresolba ng paulit-ulit na pagpapaliban ng eleksiyon ang problemang ito; kundi ang pagsasampa ng kaso at pagsususpinde sa mga tiwaling opisyal. At mahalagang pakilusin ng pamahalaan ang mga botante sa bansa na huwag iboto ang mga kandidatong sangkot sa ilegal na droga.
Tuluy-tuloy lang ang Commission on Elections sa mga paghahanda para sa eleksiyon. Dapat ay tatlong taon lamang ang termino ng mga kasalukuyang halal na opisyal, at hanggang Oktubre 2016 lang dapat maglilingkod. Matagal nang naipagkait sa mga botanteng kabataan at taga-barangay ang karapatan nilang maghalal ng kani-kanilang pinuno. Sabik na silang tumupad sa tungkuling ito sa darating na Mayo.