Ni DHEL NAZARIO

Tatlong katao, kabilang ang isang paralisadong senior citizen, ang nasawi samantalang nasa 500 pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa sunog sa isang residential area sa Taguig City, nitong Linggo.

Nadiskubre ng mga bombero ang sunog na bangkay ng 62-anyos na si Ramona Palima sa loob ng kanyang bahay kahapon ng umaga.

Ayon sa mga arson investigator, paralisado si Palima kaya hindi nagawang makalabas sa kanyang nasusunog na bahay.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Sa ulat, nagsimula ang apoy sa isang residential area sa Technical University of the Philippines Compound sa Western Bicutan ng nasabing lungsod, dakong 3:30 ng hapon.

Samantala, natagpuan naman ang bangkay ni Lalen Lasagas, 27, sa loob ng banyo na iniulat na unang nakalabas sa kanyang bahay subalit muling bumalik upang kunin ang kanyang cell phone.

Ang ikatlong biktima ay kinilalang si Marlyn Talon, 46, na binawian ng buhay sa pagamutan matapos atakehin sa puso.

Batay sa Taguig Fire Department, umabot sa ikalimang alarma ang sunog ganap na 7:49 ng gabi at nasa 200 na bahay ang natupok, bago ito naapula bandang 10:40 ng gabi.

Ang mga nasunugan ay pansamantalang nanunuluyan sa mga covered court at paaralan sa lugar.

Tinatayang P1 milyon ang halaga ng mga natupok na ari-arian.