Ni JUN AGUIRRE
Nagkaisa ang mga residente at negosyante ng Boracay Island sa Malay, Aklan sa inilunsad nilang clean-up campaign sa beach front ng isla kahapon.
Sa panayam, ipinaliwanag ng isa sa event organizer na si Mark Santiago na ipinakikita lamang nila sa publiko ang kanilang pagkakaisa upang manawagan kay Pangulong Duterte na huwag munang ipasara ang pangunahing tourist destination sa bansa.
Paglilinaw ni Santiago, nakahanda sila sa anumang maaaring iuutos ng gobyerno kapalit ng hindi pagpapasara sa isla.
Binigyang-diin naman ng isa sa residente na si Maffi de Paris na ang isinagawa nilang clean-up operation ay tanda lamang ng kanilang pagmamahal sa lugar.
Pangunahing maaapektuhan, aniya, ng pagpapasara sa isla ang libu-libong residente na umaasa’t nabubuhay lamang sa turismo sa Boracay.