NASA lahat ng sulok ng mundo ang mga Pilipino sa ngayon—bilang mga doktor at nurse, inhinyero at arkitekto, guro at eksperto sa computer, tripulante at obrero, at kasambahay. Karamihan sa kanila ay nasa mga bansa sa Gitnang Silangan, partikular na sa Saudi Arabia, na dahil sa pagiging sagana sa langis ay umusad ang kalagayang pang-ekonomiya.
Subalit ang Amerika ang matagal nang umaakit sa mga Pilipinong nagnanais ng mas magagandang oportunidad at pagsisimulang muli sa buhay. Kabilang sa mga unang Pinoy na nagtrabaho sa ibang bansa ang mga obrerong dumayo sa tubuhan ng Hawaii at sa mga prutasan sa California. Makalipas ang ilang dekada, sumunod na rin sa kanila ang mga batang propesyunal, mga tripulante, at kabataang nagsipagtrabaho sa mga base militar ng Amerika. Hanggang sa dumami na ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nasumpungan ang kani-kanilang pagkakakitaan sa bawat sulok ng mundo.
Sa 10 milyong Pilipinong overseas sa ngayon, aabot sa tatlong milyon ang nasa Amerika, habang nasa isang milyon ang nasa Saudi Arabia, 670,000 ang nasa United Arab Emirates, at 660,000 ang nasa Canada. Marami rin ang nasa mga bansang malapit sa atin—Malaysia, Australia, Japan, Singapore, Thailand, Hong Kong, at ang iba ay nasa China.
Mayroon ding nasa Qatar, Kuwait, at Israel sa Gitnang Silangan; nasa Italy, Spain, United Kingdom, Germany, Netherlands, at Sweden sa Europe; nasa Kazakhstan sa dulo ng Central Asia; nasa New Zealand, Papua New Guinea, at Palau sa South Pacific; at nasa Brazil at mga karatig-bansa sa South America.
Amerika pa rin ang pangunahing dinadayo ng mga migranteng Pinoy at, ayon sa huling ulat, ang mga Pilipino sa nasabing bansa ang nakakuha ng pinakamataas na iskor sa maraming larangan sa lahat ng migrante, na nagpapatunay kung paanong mahusay silang nakaagapay sa kanilang bagong sitwasyon at sa bago nilang buhay.
Ayon sa 2016 American Community Survey, ang mga Pilipinong edad 25 pababa ay mas mataas ang pinag-aralan kumpara sa iba pang dayuhan sa Amerika, at maging sa mismong mga Amerikano. Aabot sa 50 porsiyento ng mga Pilipino ang nakatapos ng kolehiyo, kumpara sa 32 porsiyento ng mga isinilang sa Amerika at 30 porsiyento ng lahat ng migrante.
Iniulat ng US Census Bureau na noong 2016, 67 porsiyento ng mga Pilipino na edad 16 pataas ang nasa civilian labor force, kumpara sa 66 na porsiyento ng lahat ng migrante, at 62 porsiyento ng mga isinilang sa Amerika. Mayroon silang karaniwang kita na $87,000 (P4.5 milyon) kada taon, kumpara sa $54,000 ng lahat ng migrante, at $58,000 ng mga tubong Amerika. Nasa limang porsiyento lamang ng mga pamilyang Pilipino sa Amerika ang nabubuhay sa kahirapan, kumpara sa 15 porsiyento ng lahat ng migrante, at siyam na porsiyento ng mga isinilang sa Amerika.
Batay sa 2016 Yearbook of Immigration Statistics ng US Department of Homeland Security, 70 porsiyento ng mga Pinoy sa Amerika ay naturalized citizen, kumpara sa 49 na porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga dayuhan sa Amerika.
Matutukoy sa estadistikang ito na kumpara sa lahat ng migrante sa Amerika, maayos ang kalagayan ng mga Pilipino sa nasabing bansa. Kaya naman hindi nagmamaliw ang mataas na respeto ng mga Pinoy dito sa atin sa Amerika kumpara sa ibang mga bansa, kasunod ang Canada at Japan, batay sa resulta ng SWS survey na inilabas noong nakaraang buwan.
Dapat na ikonsidera ito ng ating mga opisyal sa pakikipag-ugnayan sa iba pang mga bansa, kabilang na ang mga nagsusulong ngayon ng malawakan at walang limitasyong kapangyarihan ng iisang pinuno