Ni Fer Taboy

Naniniwala ang pulisya na supplier ng mga armas ng ilang pulitiko sa Region 2 ang magkapatid na anak ni Gonzaga Mayor Marilyn Pentecostes, na nadakip sa pagsalakay sa bahay ng mga ito, kung saan nasamsam umano ang mga ilegal na baril, nitong Sabado ng umaga.

Ito ang ibinunyag kahapon ni Chief Insp. Julius Jacinto, ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Cagayan.

Tinukoy ni Chief Insp. Jacinto ang dalawang anak ng alkalde, sina Jonjie at Jundell Pentecostes, na nagsu-supply umano ng mga baril sa mga negosyante at indibiduwal sa lalawigan at sa mga karatig-probinsya, gayundin sa Metro Manila.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Inilabas ni Chief Insp. Jacinto ang pahayag matapos madakip ng kanilang grupo, kasama ang Cagayan Police Provincial Office (CPPO), si Roger Asuncion, ng Barangay Pattao, Gonzaga, na umano’y supplier ng mga baril mula sa magkapatid.

Sinabi ni Senior Supt. Warren T o l i t o , director ng CPPO, hinuli si Asuncion sa kanyang bahay sa Cagayan, kung saan nakumpiskahan umano siya ng .45 caliber pistol.

Bago ang pagdakip kay Asuncion, inaresto muna ang magkapatid sa kanilang bahay sa Bgy. Paradise sa Gonzaga kung saan nakumpiska ang iba’t ibang klase ng baril na walang papeles.