Ni NORA CALDERON
MULING aarte si Maine Mendoza sa taunang Lenten Special ng Eat Bulaga na Taray ni Tatay na mapapanood sa Holy Wednesday, March 28. Makakasama niya sina Vic Sotto, Allan K, Jimmy Santos, Anjo Yllana, Ms. Rita Avila at may special participation si Kendoll (Tenten Mendoza, ang personal assistant ni Alden Richards na binigyan ng EB ng role sa “Boss Madam” segment ng show).
Ang episode ay kuwento ng single father (Vic) at ang mga lihim na itinago niya sa kanyang unica hija (Maine). Kung may tawanan, makikiiyak din ang televiewers kay Maine na parang hindi matanggap kung sino talaga ang kanyang ama.
Inamin ni Maine na nahirapan siya sa muli niyang pagbabalik-acting, dahil mas nasanay na siyang mag-host sa sugod-bahay ng EB. Umarte lang siya noon sa first movie nila ni Alden na Imagine You & Me at sa special Valentine presentation ng EB na “Love Is...” Hindi na iyon nasundan, at ngayon na lamang muli.
“Hindi po madali ang pagbabalik ko sa acting,” sabi ni Maine. “Nangalawang na po ako sa pag-arte. Salamat po kay Bossing Vic sa pagtulong at paggabay niya sa akin sa mga eksena. Na-frustrate po ako ng gabi before the taping na binasa ko ang script na hindi ko magawa ang mga eksena on my own, kahit ipinu-focus ko ang sarili ko, parang kulang ako sa motivation. Salamat po sa help ng acting coach ko at ni Bossing, natulungan nila akong mai-deliver at lagyan ng background ang character ko.”
Ang Taray ni Tatay na idinirihe din ni Adolf Alix Jr. ang huling episode ng “EB Lenten Special.”