Posibleng lumakas at maging bagyo ang namataang low pressure area (LPA) na inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) bukas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa panayam, sinabi ni Chris Perez, weather specialist ng PAGASA, na huling namataan ang LPA sa layong 2,160 kilometro sa silangan ng Mindanao.
“It has no direct effect yet over the country but it could enter PAR within two to three days, or likely by Monday,” banggit ni Perez.
Kapag tuluyang naging bagyo, tatawagin itong ‘Caloy’.
Sa taya ng PAGASA, hindi na ito tatama sa kalupaan at tatawid na lamang sa Philippine Sea.
Sinabi naman ni Perez na patuloy na mararanasan ang amihan sa hilaga at gitnang Luzon ngayong Linggo, habang maaapektuhan naman ng tail-end ng cold front ang silangang bahagi ng Southern Luzon at Eastern Visayas.
(Ellalyn De Vera-Ruiz)