Ni Clemen Bautista
SA liturgical calendar ng Simbahan, masaya at makulay na ipinagdiriwang ngayon ng mga Kristiyanong Katoliko ang Linggo ng Palaspas o Palm Sunday. Sa araw na ito ginugunita ang matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Jerusalem, kasama ang kanyang mga alagad. At sa paggunita ng Kuwaresma o ng huling 40 araw ng public ministry ni Kristo, ang Linggo ng Palaspas ang simula ng Semana Santa o Holy Week.
Sa tradisyong Kristiyano, ang mga magsisimba ngayon, anuman ang kalagayan sa buhay, lipunan at pamahalaan man, ay may dalang palaspas upang pabendisyunan sa pari. Pagkatapos, sasama sila sa prusisyon na maaaring gawin sa patyo ng simbahan. Sa ibang mga bayan at parokya, ang prusisyon tuwing Linggo ng Palaspas ay ginagawa sa istratehikong lugar sa bayan.
Ang pagdiriwang at paggunita ng Linggo ng Palaspas ay ibinatay sa Bibliya, na sinulat ng mga Ebanghelisto. Ganito ang halimbawa. Isang araw ng Linggo, bago sumapit ang pista ng Passover o ng kapistahan ng Tinapay na walang lebadura, inatasan ni Kristo ang ilan niyang alagad na mauna upang ihanda ang isang bisiro na Kanyang sasakyan. Isinapin ng mga alagad ang kanilang mga balabal sa likod ng bisiro at sumakay si Kristo. Gayon na lamang ang kagalakan ng maraming tao sa lungsod ng Jerualem. Kaya, nagsiputol sila ng mga sanga ng kahoy. Ang iba’y ng dahon ng Oliba at Palaspas. Sa pagpasok ni Kristo sa Jerusalem, sakay ng isang bisiro, Siya’y mainit na tinanggap at sinalubong ng mga tao.
Nagwagayway ng mga sanga at dahon ng Oliba at Palaspas. Inilatag ang kanilang mga balabal sa daan. Marami ang nagsigawan at umawit ng “Mabuhay ang Anak ni David na naparirito sa ngalan ng Panginoon!”
Ayon sa binagong liturhiya ng Semana Santa, may tatlong anyo ang pagbebendisyon ng mga palaspas. Ang una, na itinuuturing na pinakataimtim ay ang ginagawa sa labas ng simbahan. Ang ikalawa naman ay sa patyo ng simbahan. Ang pangatlo na pinakakaraniwang pagbebendisyon ng pari sa mga palaspas ay sa harap ng altar bago o matapos ang misa.
Matapos ang prusisyon at pagsisimba, ang mga palaspas na binditado ay inilalagay sa altar ng mga tahanan o kaya ay sa bintana. May naglalagay naman ng palaspas sa itaas ng pinto ng bahay. May paniwala ang iba nating kababayan, lalo na ang mga nasa lalawigan, na ang binditadong palapas ay nagtataglay ng “bisa” at “kapangyarihan” laban sa masasamang espiritu. May naniniwala naman na kapag matutunog at halos nakabibingi ang dagundong ng kulog at matatalim ang kidlat, ang pagsusunog ng mga dahon ng palaspas ay nakapapawi ng “galit” ng Diyos na isinasatinig sa pamamagitan ng dumadagundong na kulog at matatalim na kidlat. Ayon sa ilang mapagbiro’y naglalaro raw ng bowling sa Langit si San Pedro.
Ang mga palaspas ay mula sa mga usbong ng buli o ng niyog. Sa pagiging malikhain ng ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa lalawigan, nagagawan ng iba’t ibang disenyo ang mga dahon at dulo ng palaspas. May mga hugis-ibon ang dulo ng dahon ng palaspas. Ang pinakapuno naman ay hugis-bahay-langaw at parang tinirintas na buhok ng babae. May nagdaragdag naman ng mga makulay na papel na ginawang bulaklak upang tumingkad lalo ang ganda ng palaspas.
Sa mga palengke, bisperas pa lamang ng Palm Sunday ay may nagtitinda na ng mga palaspas. Sila’y mga taga-Laguna. May nagtitinda rin sa harap ng simbahan. Sa kanila bumibli ang mga magsisimba at pabebendisyunan sa pari. Pagkatapos ay sasama sa prusisyon
Sa misa ngayong Linggo ng Palaspas, isa sa mga mapapansin ng mga nagsisismba ay ang mahabang Gospel. Nagsasalaysay sa pagpapahirap at pasakit kay Kristo hanggang sa pagpapako sa krus, namatay, at libing. Sa tradisyong Pilipino, ngayong simula ng Semana Santa ay umpisa na ng Pabasa o Pagbasa ng Pasyon, Sinakulo, Visita Iglesia, Via Crucis o Way of the Cross at penitensiya.