Ni Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, sa pagbasura ng Department of Justice (DoJ) sa mga kaso laban sa mga umano’y big time druglords, tumibay ang paniniwala ng marami na ang kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte ay may kinikilingan at may pinoprotektahan. Para sa iba, hindi na kagulat-gulat ang ginawang ito ng DoJ. Paraan umano ito ng paggantimpala sa mga taong pilit na iniugnay ang senadorang kritiko ng Pangulo hanggang sa ito nga’y makulong. Paraan din daw ito ng pagbabalik ng pabor sa mga kaibigan, kumpare, at campaign contributor ng Pangulo kahit pa ang mga ito’y tinawag niyang drug lord at minsang pinagbantaang papatayin.
Katwiran ng DoJ, kulang daw ang ebidensiyang nakalap upang patunayang sangkot ang mga kinasuhan sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa. Ito ay sa kabila ng pag-amin ng isa sa kanila , sa isang pagdinig, na siya ay drug dealer.
Maaari ring tanungin: Talaga bang naghanap ng ebidensiya ang ahensiyang dapat gumawa nito?
Samantala, patuloy ang mga pulis sa pagsuyod sa mahihirap na pamayanan upang hanapin ang mga sinasabing gumagamit at nagtutulak ng droga. At alam naman po nating kahit walang ebidensiya, basta nasa watch list ang kanilang pangalan, maaaring target ang sinuman sa tuwing may raid, maaaring pasukin ang bahay kahit walang search warrant, at maaaring dakpin kahit walang warrant of arrest. Ang masaklap pa, ang mga napapatay, dahil daw nanlabán, ay tinataniman ng ebidensiya upang palabasing guilty.
Sinasalamin ng “war on drugs” ng administrasyong Duterte ang baluktot na uri ng katarungan sa ating bansa. Kung mayaman at maimpluwensiya ka, nariyan ang proseso ng batas para iyong mapakinabangan, at masuwerte ka pa kung may kilala ka sa pamahalaan dahil baka maabsuwelto ka pa. Kung mahirap ka naman, walang prosesong kailangang pagdaanan ang mga tagapagpatupad ng batas, at pasensya ka kung mabulok ka sa bilangguan kahit walang kaso, o kahit pa mapatay ka sa harap ng iyong mga mahal sa buhay. Hanggang ngayon, wala pang big-time drug lord na nakukulong o naparurusahan, samantalang dumanak na ang dugo ng mahigit 10,000 Pilipino—karamihan sa kanila’y mahihirap—bunsod ng brutal na “war on drugs.” Ngunit sa ginawang ito ng DoJ, lalo pang tumingkad na ang giyera kontra droga ay giyera kontra mahihirap.
Nakalulungkot na marami pa rin sa atin ang pinipiling magbulag-bulagan sa katotohanang ito, at marami ang nagbibingi-bingihan sa daing ng mga pamilya ng mga maralitang biktima.
Isa ang katarungan o justice sa mga tinatawag natin sa Simbahan na “fundamental values of social life”, mga saligang pinahahalagahan natin bilang bahagi ng lipunan. Nakaugat ang katarungan sa dignidad ng tao, at kasama ng katotohanan, kalayaan, at pag-ibig, nagkakaroon ng pagkakataon ang isang tao na palaguin ang kanyang sarili. Kung hindi tunay na katarungan ang umiiral, mabibigo rin tayong lahat na bumuo ng isang makataong lipunan. Dagdag pa ng mga panlipunang turo ng Simbahan, hindi lamang nakabatay sa kung ano ang nakasaad sa batas ang pagiging makatarungan kundi sa angking pagkatao ng bawat isa sa atin.
Sinabi noon ni Pangulong Ramon Magsaysay, “He who has less in life should have more in law.” Ang mga aba, aniya, ay dapat na magkaroon nang higit sa batas. Hindi ito pagbibigay ng pribilehiyo sa mahihirap kundi pagkilala sa kanilang dignidad na ninanakaw ng kahirapan at kawalan ng katarungan. Ngunit, sa itinatakbo ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, malinaw na ang mahihirap ang pinagkakaitan ng katarungan. Huwad ang katarungang ipinapangako ng marahas na pagtugis sa mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot. Huwad ang katarungan kapag malaya ang mga nasa poder na protektahan ang iilan, lalo na ang mga malapít sa kanila, ang mga maimpluwensya sa lipunan, o ang mga may sinasabi sa buhay.
Sumainyo ang katotohanan.