PAGKATAPOS ng kanyang termino sa 2022, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Military Academy (PMA) graduation ceremony nitong Linggo na nais niya ang malakas na puwersa ng militar bilang pamana sa bansa.
Kaya ngayon, kilala ang administrasyong Duterte sa kampanya laban sa ilegal na droga na libu-libo na ang namatay kasabay ng pagkakabunyag na mas matindi ang problema kaysa inaasahan. Kumikilos naman ngayon ang gobyerno sa pagpapalago ng ekonomiya, sa pangunguna ng infrastructure program na “Build, Build, Build” na inaasahan ding magkakaloob ng trabaho sa daan-daang libong Pilipino.
Ngunit sa graduation rites ng PMA, nais ng Pangulo na magkaroon ng malakas na Armed Forces of the Philippines.
Sa ngayon ay napag-iiwanan ang Pilipinas ng mga kalapit-bansa nito sa Asya pagdating sa lakas ng militar. Nangunguna ang Indonesia, ayon sa “Global Firepower Index”, na sinundan ng Vietnam, Thailand, Myanmar, at Malaysia. Pang-anim ang Pilipinas, na sinundan ng Singapore, Cambodia, at Laos.
Sa unang bahagi ng 2015, sa isang comparative study ng Southeast Asian military modernization na binuo ng Foreign Policy Research, binanggit ang Vietnam na may 110 fighter planes, ang Indonesia ay may 68, ang Malaysia ay may 65, at ang Pilipinas ay may 12. Sa hukbong pandagat sa Southeast Asia, nanguna ang Indonesia na may 33 barko at dalawang submarine, sinundan ng Vietnam na may 14 na barko at limang submarine, Malaysia na may 14 na barko at dalawang submarine. Ang Pilipinas ay may pitong barko at walang submarine.
‘Tila hindi binibigyang atensiyon ng Pilipinas ang pagpapaigting sa sandatahang lakas, at umaasa na lamang sa mutual defense treaty nito sa Amerijka. Sa kasunduang ito, responsibilidad ng Amerika na depensahan ang Pilipinas sakaling atakehin ang teritoryo nito at maging ang isla sa Pasipiko, ngunit tahimik sa kahit anong pag-atake sa pag-aari ng Pilipinas sa South China Sea.
Taong 1995, sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos, ipinatupad ng Kongreso ang Republic Act 7898, ang AFP Modernization Act, na may nakalaang P50 bilyon para sa unang limang taon ng 15 taong programa, ngunit ang pagpopondo ay natigil dahil sa 1997 Asia financial crisis. Tinalikuran ng mga sumunod na administrasyon ang programa hanggang sa napaso noong 2010.
Mayroon tayo ngayong Revised AFP Modernization Program na ang unang bahagi ay noong 2013 hanggang 2017. Nasa ikalawang bahagi na tayo o Second Horizon mula 2018 hanggang 2022. Ito ang programang binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang PMA graduation address. Sinabi niya: “I would want that before I get out of the presidency, I would have left behind a strong Armed Forces and Philippine National Police, simply because troubles we are now facing will not disappear within the next four to seven to ten years.”
Nahaharap ngayon ang Pilipinas sa suliraning panseguridad na kagagawan ng Islamic State-inspired group, gaya ng Maute na nais sakupin ang Marawi City, at ang New People’s Army. Hindi binanggit ng Pangulo ang kahit anong problema sa South China Sea, umaasang ito ay maaayos sa pamamagitan ng Code of Conduct, ngunit ito ay makatutulong kung mayroon tayong mas malakas na air at maritime security forces na magtatanggol sa ating mga yamang-tubig — at umani ng respeto mula sa ibang bansa.
Kasalukuyang pinatatatag ng bansa ang puwersa nito sa Second Horizon ng Revised AFP Modernization Program, sinabi ng Pangulo sa mga nagsipagtapos sa PMA. Bumili na tayo ng fighter jets, frigates, helicopter, armas at bala mula sa South Korea at iba pang bansa. Kabibili lang din ng surveillance clones mula sa Amerika. Plano nating bumili ng guided missile system mula sa Israel. At plano ring magkaroon ng unang submarine bago sumapit ang 2020.
Lahat ito ay nakapaloob sa AFP Modernization Plan. Maaaring ito ang pinakamagandang pamana ni Pangulong Duterte sa pagbaba niya sa kanyang puwesto pagkatapos ng kanyang termino.