Ni Bert de Guzman
MARAHIL ay hindi na ipakukulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II kapalit ng mga drug lord at dealer na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co matapos niyang ipag-utos ang scrapping o pagbalewala sa drug cases dismissal ng mga prosecutor laban sa kanila. Mananatili sila sa kulungan.
May mga balitang sa galit ni Mano Digong sa pag-absuwelto sa kanila ng National Prosecution Service (NPS) ng Department of Justice (DoJ), nasuntok daw ng Pangulo ang dingding sa Malacañang. Nasaksihan daw ang pagsuntok ni PRRD sa pader ni Gen. Bato pero parang pinabubulaanan ito ni presidential spokesman Harry Roque. Tanong ni Bato kay Harry, ayon sa report: “Nakita mo ba”?
Matindi ang implikasyon sa pag-absuwelto ng DoJ-NPS sa mga kaso ng illegal drugs laban kina Kerwin, Lim, Co atbp sapagkat hihina ang kasong illegal drug trade laban kay Sen. Leila de Lima na naipakulong dahil sa testimonya nina Kerwin at ng mga convicted drug lord sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
‘Di ba si Kerwin ang nagdiin kay Sen. Leila na binigyan niya ng P8 milyon bilang kontribusyon sa pagtakbo sa senadurya ni Delilah, este DeLima, noon. Itinanggi ito ng senadora. Sina Lim at Co naman ay itinuro ni Kerwin na nagsu-supply sa kanya ng mga droga. Pero por diyos, por santo, eh bakit inabsuwelto sila ng mga prosecutor ng DoJ?
Aminado si Sec. Vits na magkasama nga sila ni Executive Sec. Salvador Medialdea at ng abogado ni Janet Lim-Napoles, ang binansagang Pork Barrel Scam Queen sa pulong sa Malacañang. Ngunit nilinaw ni Aguirre na sa pulong ay nagpalitan lang sila ng mga kuru-kuro at hindi pinag-usapan ang kaso ni JLN.
Sa panig ni Medialdea, itinanggi niyang pinayuhan niya si lawyer Stephen David, counsel ni JLN, na hilingin sa Sandiganbayan na mai-transfer ang Reyna, este si Janet, mula sa kulungan niya sa Bicutan, Taguig upang isailalim sa custody ng DoJ na si Sec. Vits ang hari.
May mga espekulasyon na planong gawing state witness si Reyna Janet Lim-Napoles para ibunyag ang mga katarantaduhan at kasibaan ng mga mambabatas at cabinet officials ng nagdaang administrasyon tungkol sa PDAF.
Badya ni Big Boy Medialdea: “Bakit ako magbibigay ng payo sa abogado (Stephen David) para sa kanyang kliyente? If I were his client, I would fire him.” Sumingit ang kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Baka idea na naman ni Aguirre ito. ‘Di ba noon ay hinakot niya ang convicted drug lords ng NBP at dinala sa House committee on justice para tumestigo laban kay De Lima? Baka gusto ni Aguirre na gawing state witness si Napoles para lalong idiin si De Lima.”
Posible, posible, tugon ko. Sa pagdinig noon sa Kamara, pati paghalinghing ni De Lima sa piling ng kanyang driver-bodyguard-lover ay inusisa ng mga loko at malisyosong kongresista. Tinanong pa sa lover kung anong intensity ang luwalhati nila ng Senadora.
Marahil ay baka rin ginagawang panakot si Napoles sa mga kongresista at senador na nasa listahan ng pork barrel scam, para hindi kumontra o lumaban kay PRRD. Hindi ba ninyo napapansin na iilan lang ang mga senador ang may “balls” na pumupuna kay PDU30 sapagkat halos lahat sila ay nasa listahan ni JLN? Kapag “kumanta nga naman ang Reyna at inihayag ni PRRD ang kanilang mga pangalan sa publiko, aba eh ‘di lagot sila sa taumbayan!