CENTRAL MINDANAO - Patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang militar laban sa isang grupo ng New People’s Army (NPA) na nakaengkuwentro ng mga ito sa Cotabato nitong Huwebes, na ikinasawi apat na rebelde at ikinasugat ng dalawang sundalo.
Sinabi ni 901st Brigade Philippine Army (PA)-Civil Military Operations (CMO) chief, Capt. Randy Llunar, na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga sibilyan na nagsasabing isang grupo ng NPA ang namataan sa Barangay Manobo, Magpet, North Cotabato.
Nang respondehan ay biglang pinaputukan ng mga rebelde ang grupo ng 19th Infantry Battalion, na dahilan ng pagsiklab ng bakbakan ng dalawang grupo na tumagal ng mahigit isang oras.
Nagawang lumikas ng mga residente sa gitna ng labanan sa takot na maipit sila sa engkuwentro.
Umatras na lamang ang mga rebelde patungo sa paanan ng Mt. Apo nang dumating ang reinforcement ng tropa ng pamahalaan.
Kinumpirma rin ng mga bakwit na apat sa mga kaanib ng NPA ang napatay at pitong iba pa ang nasugatan.
Dalawa namang sundalo ang nasugatan at ginagamot ngayon sa isang ospital sa lalawigan.
Kinumpirma rin ng militar na kaanib ng Guerilla Front Committee 53 ang mga rebeldeng nakasagupa ng mga ito na pinamumunuan ni Ka Joel Pulido. (Rommel P. Tabbad at Fer Taboy)