Ni Tara Yap
ILOILO CITY - Nakaambang tumaas ang singil sa tubig sa Iloilo City kasunod ng inihaing petisyon ng Metro Iloilo Water District (MIWD).
Sa consultative meeting kasama ang mga opisyal ng mga water district ng Western Visayas region, sinabi ni Local Water Utilities Administration (LWUA) Administrator Jeci Lapus na halos 100 porsiyento na ang posibilidad na maaaprubahan ang P41 rate increase ng MIWD.
Sa petisyon ng MIWD, hiniling nito sa LWUA na ipatupad ang P41 per cubic meter increase at kung maaaprubahan ay magiging P200 na ang kada cubic meter mula sa dating P159.
Aniya, ang nakatakdang taas-singil ay ibabatay sa paggalaw ng presyo ng langis, kuryente at salary adjustments.
Naging kapos ang pondo ng nasabing water district mula pa noong 2004 bunsod na rin ng pagtaas ng suweldo ng mga kawani nito na nagresulta rin sa pagkabigo nitong maiangat ang kalidad ng mga pasilidad at serbisyo ng ahensiya.
Inaasahan namang matatapos nang pag-aralan ang petisyon sa loob ng dalawang buwan.