Ni Francis T. Wakefield

Siniguro kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang seguridad sa darating na Mahal na Araw at sa bakasyon.

Ito ay nang kapanayamin siya ng media sa pagbisita niya sa Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City.

“Yes, we are ready,” sabi ni Dela Rosa sa mga mamamahayag.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“So far ‘yung ating buong PNP ay naka-full alert status, meaning 100 percent ng ating kapulisan ay nagdu-duty, habang ‘yung ating mga mamamayan ay nagbabakasyon at sinisiguro nating manatiling mapayapa ‘yung summer vacation para mag-enjoy ‘yung ating mga kababayan,” pahayag ni Dela Rosa.

Hinikayat din ni Dela Rosa ang force multipliers, gaya ng mga barangay tanod at barangay police, na huwag magbakasyon upang tumulong mga pulisya sa pagtiyak sa kaligtasan ng publiko.

“Sana ay huwag na sila magbakasyon at mag-duty rin. Ikutan nila mga villages at subdivisions kung saan karamihan ng mga tao ay nagsipag-alisan, nagsipagbakasyunan, iniwan ‘yung bahay. Sana hindi ito mapasukan ng mga Akyat Bahay at Salisi,” ayon kay Dela Rosa.

Sa ngayon, ayon sa PNP chief, walang namamataan na kahit anong banta ng terorismo na makaaapekto sa pagninilay-nilay sa Mahal na Araw at sa bakasyon.