KAPASIDAD ang pangunahing problema ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Sa pangkaraniwan, ang dalawang runway nito ay may kapasidad na 730 aircraft movements (paglipad at paglapag) sa isang araw noong 2017.
Napaglingkuran ng NAIA ang 42 milyong pasahero sa nasabing taon, sa biyaheng domestic at ibayong dagat.
Sa ulat na ipinalabas ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2015, inaasahang aabot sa 60 milyon ang pasahero sa NAIA pagsapit ng 2025 at 72 milyon pagsapit ng 2030, kasabay ng inaasahang paglago ng ekonomiya.
Upang maabot ang pangangailangang ito, mahalagang magkasabay na pagtuunan ang airside at terminal capacities, ayon sa GMR Megawide consortium, joint venture ng Megawide Construction Corp. at ng Indian company na GMR Airports, Ltd., na nagsumite ng panukalang palawakin ang kapasidad ng NAIA.
Pangunahing problema ng NAIA ang limitadong paliparan na nakapipigil sa kakayahan nitong magkaloob ng mas maraming flight. Nabawasan din ang kakayahan nito na maiwasang magkaroon ng pagkaantala sa paglipad, na nagiging sanhi ng tumitinding terminal traffic, ayon kay Louie Ferrer, consortium representative. Iminungkahi rin nito ang pagtatayo ng full-length lanes na kahilera ng dalawang runway at iba’t ibang rapid-exit taxiways. Ito ay upang magkaroon ng labasan ang mga paparating na eroplano nang magamit kaagad ng susunod na eroplano ang runway. Ang ikalawang runway ay pahahabain din.
Sa proyektong ito, aabot sa $3 billion ang ilalaan para sa 18 taong concession period, kung kailan inaasahang tataas ang kapasidad ng NAIA sa 72 milyong pasahero kada taon.
Ito ang ikalawa sa pinakamalaking panukala para sa NAIA sa nakalipas na mga buwan. Ang una ay mula sa isang consortium na binubuo ng pito na pinakamalalaking conglomerate sa bansa— Aboitiz InfraCapital, Inc., AC Infrastructure Holdings Corp. ng Ayala, Alliance Global Group, Inc. ni Andrew Tan, Asia’s Emerging Dragon Corp. ni Lucio Tan, Filinvest Development Corp. ng mga Gotianun, JG Summit Holdings ng mga Gokongwei, at ang Metro Pacific Investments Corp.
Ang consortium na ito ay nais maglaan ng P7 bilyon upang palakihin ang kapasidad ng NAIA sa 55 milyong pasahero sa isang taon, para sa concession period na 35 taon. Plano nitong paunlarin at palawakin ang terminal ng NAIA at magtayo ng karagdagang runway, taxiway, terminal at iba pang istruktura.
Nakikipag-ugnayan na ito sa Changi Airports International Pte., Ltd., para sa suportang teknikal sa pagpaplano at operasyon.
May iba pang panukala para sa pagpapaunlad sa iba pang paliparan sa bansa, kabilang ang Sangley Point sa Cavite, sa Bulacan, at pagpapalawak sa Clark International Airport. Kasalukuyan nang ginagawa ng mga runway sa Clark, na itinayo ng US Air Force, at mayroon itong libu-libong ektarya na maaaring gamitin sa pagpapalawak. Nagsimula na nitong ma-absorb ang problema sa himpapawid mula sa NAIA at magiging susi sa kaunlaran sa Central Luzon.
Ngunit ang NAIA ang pangunahing daan palabas sa Metro Manila at ang rehabilitasyon nito ay malaking hamon sa administrasyong Duterte. Sa dalawang panukala, ang administrasyon, partikular na ang Department of Transportation, ay kinakailangang magdesisyon. Umaasa tayo na ang proyektong ito ang reresolba sa napakatagal nang problema ng NAIA, ang pinakalagusan ng Pilipinas sa Metro Manila at sa buong bansa.