Ni Franco G. Regala
CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga - Naaalarma ngayon ang mga residente ng San Fernando City, Pampanga dahil sa posibleng outbreak ng Newcastle Disease, ang nakahahawang viral bird disease.
Ito ay nang mangamatay ang aabot sa 100 manok sa ilang farm sa Barangays Rosario, Calulut, Del Pilar at Panipuan sa siyudad sa nakalipas na mga araw.
Nangangamba ang mga backyard farm owner na kumalat ang nasabing sakit na humahawa sa mga domestic at wild avian species.
Sa panayam sa residenteng si Mang Max, ng Bgy. Sto. Rosario, aabot sa 30 alaga niyang manok ang namatay nang dapuan umano ng nasabing sakit.
“Nagulat na lang ako at nangamatay ang mga manok ko nang unti-unti. Nagkakasakit lang, may paubo-ubo, sinisipon, namumula ang mga mata at ‘yung iba nilalamig lagi. Meron mga sobrang isandaan ang mga manok ko pero unti-unti na silang nababawasan dahil sa sakit,’’ sabi nito.
Ang kahalintulad na insidente rin ang naranasan ni Mang Manny, ng Bgy. Calulut, kung saan umabot na sa 100 manok niya ang nangamatay.