Ni REGGEE BONOAN
“KUNG hindi triplets, kambal ang mapapanood mo ngayon sa TV?”
Ito ang mensahe ng lola naming nakatira sa ibang bansa na ikinatawa namin nang husto.
“Mabuti na lang maganda ‘yung kay Erich (Gonzales, The Blood Sisters) pero nalilito ako, naguguluhan ako kung sino sa kanila si Agatha, si Carrie at si Erika.”
May edad na ang lola namin kaya nalilito siya sa tatlong characters na ginagampanan ni Erich pero ang saulado niya, “’Yung Carrie, maganda.”
Pagdating naman sa characters ni Jodi Sta. Maria bilang sina Lisa at Mona sa Sana Dalawa Ang Puso, “Magkamukhang-magkamuha na ‘yung kambal, parang mas gusto kong hindi na lang sila magkamukha para nakikilala ko pa sila.”
Kinailangang magkamukha na sina Lisa at Mona dahil nagpapanggap ang huli.
Sa umeereng episode ng Sana Dalawa Ang Puso, hindi na makaurong si Mona bilang si Lisa dahil kailangan niyang tanggapin ang alok na tulong para sa problema ng pamilya. Unti-unti namang magagamay ng una ang kilos ng huli dahil tinuturuan siya ni Kim (Nikki Valdez).
Napanood namin ang transformation ni Mona para maging Lisa na pareho nilang ikinagulat dahil hindi na maitangging magkapatid o kambal talaga sila. Kaya ang tanong, sino ang tunay nilang magulang at paano sila nawalay sa isa’t isa?
Sa tumatakbong kuwento, hindi bumibitaw si Lisa na makuha si Donnie (Victor Silayan) bilang investor sa kanyang negosyo ngayong anim na linggo na lang bago sumapit ang kanyang kasal. Pero hindi niya alam na kasapi pala si Donnie sa sindikatong Urdunata na kinabibilangan nina Supapi (Leo Martinez) at Mr. Chua (Lito Pimentel) na humahabol kay Mona at tinutugis naman ni Leo (Robin Padilla).
Dahil naman sa pagmamahal ni Martin kay Lisa, hinihintay na lang niyang maisaayos ang merger ng kanilang mga negosyo. Desidido na siyang umatras sa kasal para palayain ang kanyang minamahal kasama ang kumpanya nito.
Inaabangan kung mapapangatawanan ni Mona ang pagpapanggap bilang si Lisa, kung may mababago ni Mona ang desisyon ni Martin tungkol sa kasal, at ang unti-unting pagkakalagay sa alanganin ni Lisa sa pagsunud-sunod sa mga pinupuntahan ni Donnie.
Napapanood ang Sana Dalawa Ang Puso bago ang It’s Showtime sa ABS-CBN.