Ni Fer Taboy
Pinalaya na kahapon ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang school principal matapos ang mahigit 12 oras na pagkakabihag sa kanya sa Patikul, Sulu.
Sinabi ni Esquierido Jumadain, ng Disaster Risk and Reduction Management Office (DRRMO) ng Department of Education (DepEd), na pinalaya na nitong Huwebes si Marjorie Abdul, principal ng Liang Elementary School.
Ito ay makaraang magbayad umano ng ransom ang pamilya ni Abdul, ayon kay Jumadain.
Si Abdul ay dinukot ng mga bandido nitong Miyerkules at pinalaya rin ito nitong Huwebes dakong 11:00 ng gabi.
Hindi naman tinukoy ni Jumadain kung magkano ang ibinayad sa mga kidnapper.
Isinalaysay ni Abdul kung paano siya dinukot ng mga suspek makaraang pasukin ng mga bandido ang kanyang opisina sa nasabing paaralan, dakong 8:30 ng umaga.
Nilinaw ni Jumadain na si Abdul na ang ikalawang tauhan ng DepEd na dinukot sa Sulu ngayong Marso.
Unang dinukot ng mga bandido si Sitti Dormis Hamsirano, guro ng Matatal Elementary School sa Maimbung, Sulu.
Gayunman, hindi pa malaman ang lagay ni Hamsirano simula nang dukutin nitong Marso 8.