Ni GENALYN D. KABILING
Inilarga ng Malacañang ang imbestigasyon sa “breach of protocol” sa pagbibigay ng identification cards sa mga mamamahayag.
Ipinag-utos ni Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar ang imbestigasyon sa press pass na inisyu ng International Press Center (IPC) dahil hindi niya naaprubahan ang final design ng ID at wala ring consent ang paggamit sa kanyang e-signature, at iba pa.
Ang imbestigasyon ay bunsod ng nakitang grammatical errors ng Malacañang Press Corps (MPC) sa nakaimprentang 2018 IDs na inisyu ng IPC, isang opisina sa ilalim ng PCOO na may hawak sa pag-iisyu ng IDs para sa local at foreign journalists na nagko-cover sa mga okasyon sa Palasyo.
Sinabi ni Andanar na iimbestigahan ang IPC dahil nakakahiya ang insidente.
Inilista ni Andanar ang apat na protocol na hindi sinunod sa pagbigay ng MPC IDs.
Sinabi niya na inaprubahan niya ang logo sa harapan ng ID ngunit hindi niya nakita ang likuran nito.
“Staff did not show the backflip of the ID to me,” aniya, na ang tinutukoy ay ang bahagi ng IPC conditions sa bearer na mali-mali ang grammar.
“IPC did not return the final design for my approval,” diin niya.
Sinabi rin ni Andanar na ginamit ng IPC ang e-signature sa MPC IDs “without my permission” at “IPC used the wrong e-signature.”
Ipinabalik na ng Palasyo ang mga MPC ID na ipinamahagi sa reporters, sa gitna ng kontrobersiya sa maling grammar.