Ni MARY ANN SANTIAGO

Hindi magbubunsod sa malawakang pagkawala ng trabaho ang ipatutupad na pansamantalang pagsasara ng Boracay Island, ang pangunahing tourist destination sa bansa.

Ito ang paglilinaw kahapon ni Department of Tourism (DoT) Secretary Wanda Teo kasunod ng babala ng ilang negosyante na aabot sa 36,000 katao ang maaaring mawalan ng trabaho sa nasabing hakbangin ng pamahalaan.

Marami aniyang malalaking hotel ang pabor sa pagsasara ng isla at tiniyak ng mga ito na hindi sila magtatanggal ng mga trabahador.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi pa ng kalihim na plano ng management ng mga naturang hotel na ayusin, linisin at mas lalo pang pagandahin ang kanilang mga pasilidad sa panahon na pansamantalang isasara ang isla.

Tiniyak din ni Teo na kukunin nila ang serbisyo ng mga residente sa lugar upang tumulong sa isasagawang clean-up activities sa isla.

“Marami rin namang kukuning tao... so siguro maliit na lang ang maiiwan na walang trabaho,” paliwanag pa ni Teo.

Papasok din naman sa usapin, aniya, ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at magkakaloob ng kaukulang tulong sa mga manggagawa na mawawalan ng trabaho.

Sinabi ni Teo na naisumite na nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang inirerekomendang petsa at tagal nang pagsasara sa isla at hinihintay na lamang nila ang desisyon ng Presidente.

Sa rekomendasyong isinumite ng DoT, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Interior and Local Government (DILG), iminungkahi nila sa Pangulo na simulan sa Abril 26 ang anim na buwang pagsasara sa isla.

Matatandaang sinabi ng Pangulo na nais niyang ipasara ang isla upang maisaayos ito at hindi tuluyang masira dahil na rin sa pagsalaula ng mga negosyante sa isla.