Ni Francis T. Wakefield

Pinayuhan kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang kanyang mga tauhan na naka-duty sa Semana Santa na magsisi at humingi ng tawad sa Diyos sa mga kasalanang kanilang nagawa.

Ito ang binanggit ni dela Rosa sa isang ambush interview habang nag-iinspeksiyon ang kanyang grupo sa Araneta Center Bus Terminal sa Quezon City kahapon.

Aniya, bagamat hindi magbabakasyon ang mga pulis sa bansa ngayong Mahal na Araw, maaari pa rin naman aniyang gunitain ang Semana Santa kahit nasa trabaho sa pamamagitan ng pagyuko o pagtingala sa langit, pagpikit ng mga mata, at pag-usal ng taimtim na panalangin.

National

Pepito, mas lumakas pa; Signal #2, nakataas sa 3 lugar sa Visayas

“Bawal sa pulis ngayon magbakasyon. Siguro magnilay-nilay while at work. Magsisi sa kanyang mga kasalanan. ‘Yun dapat gawin ng mga pulis habang nagdu-duty,” sinabi ni dela Rosa sa mga mamamahayag.

“Dalawa lang ‘yan. Kung magdasal ka sa Poong Maykapal, either yuyuko ka or titingala ka sa itaas, dalawa lang. Pipikit din para solemn talaga ‘yung pagdadasal mo,” dagdag pa ni dela Rosa.

Sinabi rin ng PNP Chief na gaya ng kanyang mga tauhan, magiging abala rin siya sa trabaho sa susunod na linggo.

“Ako? Gusto n’yo bang magpapako ako sa krus? Well, wala akong time para d’yan. Siguro, pasingit-singit lang (ang pagdarasal) while nag-iikot ako, dahil duty kami sa bakasyon,” sabi ni dela Rosa. “Habang nag-iikot ako, kung makadaan ako ng church or places of worship, dadaan siguro ako at papasalamat kay Jesus Christ para sa ginawa niyang sakripisyo para sa sangkatauhan, para tayong lahat maisalba.”

Una nang tiniyak ng PNP ang pagpapaigting sa presensiya ng pulisya sa buong bansa simula nitong Marso 23 hanggang sa Hunyo 13.