Ni Clemen Bautista
MAY anim na bayan sa silangang bahagi ng Rizal. Ito ay ang Cardona, Morong, Baras, Tanay, Pililla at Jalajala. Ang mga ito ay nasa pagitan ng Laguna de Bay, bukid, at bundok. Tahimik, malinis at isang agricultural town. Masipag ang mga mamamayan. May nagtatrabaho sa mga bayan sa Rizal, Metro Manila at sa ibang bansa. May loob sa Diyos ang mga mamamayan at pagpapahalaga sa namanang mga tradisyon, kaugalian na bahagi na ng kanilang kultura. Dahil sa pagiging malinis at tahimik na bayan, ang Jalajala ay tinawag na PARAISO ng Rizal.
Ngayong Marso 2018, ipagdiriwang ng mga taga-Jalajala ang ika-111 anibersaryo ng Jalajala. Palibhasa’y natapat ng Martes Santo ang ika-27 ng Marso, inilipat ng araw ang mga gawain sa pagdiriwang. Ayon kay Jalajala Mayor Ely Pillas, ang mga gawain sa pagdiriwang ay napagkaisahan na gawin sa Marso 21-Marso 25, 2018. Ang tema ng pagdiriwang ay: “Sambayanang Nagkakaisa, Kulturang Kinagisnan: Mabuklod ng Sining Tungo sa Maunlad na Bayan”.
May inihandang mga gawain sa mga itinakdang araw ng pagdiriwang. Ang selebrasyon ay inihudyat ng Special Zumba ng mga empleyado ng munisipyo nitong Marso 21. Ginanap sa tapat ng bagong gusali ng munisipyo ng Jalajala. At kahapon, Marso 23, tampok naman ang opisyal na paglulunsad ng “Jalajala Business Club”, na binubuo ng mga negosyante sa Jalajala at ginanap sa tanggapan ni Mayor Ely Pillas. Isa sa mga layunin ay mag-anyaya ng mga investor sa Jalajala.
Naging bahagi rin ang pagpili ng pamunuan ng Jalajala Business Club. Bahagi rin ng pagdiriwang ang Photography Contest, para sa mga mag-aaral sa Junior High School; at ang Video Making Contest, para sa mga Senior High School ng Jalajala. Kasunod ng dalawang timpalak ang “Gabi ng Barangay” na ginanap sa Liwasang Bayan ng Jalajala.
Ngayong umaga ng Marso 24, tampok naman ang isang Misa ng Pasasalamat sa tapat ng munisipyo ng Jalajala.
Pangungunahan ang misa ni Fr. Sergio Motumoto, assistant parish priest ng Parokya ni San Miguel Arkanghel. Kasunod nito ang parada, kasama ang pangkat ng mga kabataan na lalahok sa Dalaylay Dance Competition, na gagawin sa covered court ng Jalajala sa Liwasang Bayan. Ang Dalaylay ay acronym ng isDA, guLAY at paLAY. Sa gabi ng Marso 24, tampok na bahagi ng pagdiriwang ang “Gabi ng Parangal” o ang pagkilala sa mga natatanging Jalalenyo.
Ang huling bahagi ng pagdiriwang ng ika-111anibersaryo ng Jalajala ay ang 11th Mayor Ely’s Cup (basketball).
Lalahukan ito ng Sangguniang Kabataan. At sa hapon ay ang “Inter-Town Basketball Game”.
Ang pangalang Jalajala, ayon sa kasaysayan, ay hango sa salitang HALAAN, isang uri ng laman dagat na nakukuha sa Laguna de Bay. Nakilala rin ang Jalajala sa tawag na “La Villa de Punta” na nasa pamamahala ng mga paring Fransiskano. Ang simbahang kawayan ay itinayo noong 1678 ni Padre Lucas Saro.
Bukod dito, noong 1820, binili ng isang doktor na taga-France na si Dr. Paul de Geroniere ang lupain ng Jalajala sa halagang nagmula sa Pamahalaang Kastila. Nagtayo ng bahay na bato, kasama ang kanyang asawa na si Marquisa de las Salinas, ng Binondo. Binigyan ng kapangyarihan ang nasabing doktor na sugpuin ang mga pirata at bandido sa pamamagitan ng mabagsik na pamamahala. Binago at pinaunlad ang mga kagubatan at latian. Naging maunlad na pamayanan na napalilibutan ng kahoy, palay, pastulan, tubo, tabako, at kape. Nagtayo ng simbahan, paaralan, bodega at pabrika gamit ang salaping gantimpala mula sa Pamahalaang Kastila.
Sa panunungkulan ni Mayor Ely Pillas, mula 2004-2013, mula sa pagiging 6th class municipality ay naiangat sa 4th class municipality. Naipaayos ang ospital, nakapagpagawa ng bagongmunisipyo, nagkaroon ng mga school building.
Naparating ang serbisyo ng Manila Water. Binigyan ng prayoridad sa pamamahala ang edukasyon at kalusugan.
Sinuportahan ang proyekto ng mga magsasaka at mangingisda. At ang Alternative Learning System (ALS). Gayundin ang pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.
Sa muling panunungkulan ni Mayor Ely Pillas noong 2016, nanawagan siya sa mga mamamayan na magkaisa at isulong ang mga proyekto at programang nakatutulong sa mga taga-Jalajala at sa pag-unlad ng bayan.