Ni REMY UMEREZ
SA April 19 ay 57 years old ang si Albert Martinez na nagsimula ang acting sa Regal Films noong dekada 80.
Marami ang hindi na aktibo sa mga kapanabayan ni Albert sa showbiz, kabaligtaran ng nangyayari sa career niya.
Palibhasa’y magaling umarte, sunud-sunod ang pagkuha sa kanyang serbisyo. Paborito siyang actor ng ABS-CBN.
Walang maikling roles para kay Albert na naging abala sa mga teleseryeng Ang Probinsiyano, The Good Son at All of Me. Gusto siya ng mga director dahil hindi siya pasaway na actor at very professional sa kanyang trabaho. Paborito niya ang katatapos na La Luna Sangre na gumanap siya sa misteryosong karakter na si Prof T.
Nag-advance taping si Albert para sa bagong epic na teleseryeng Bagani na kitang-kita sa resulta sa small screen na pinagkakagastahan ng Dos ang special effects. Siya ang gumaganap sa karakter na si Agos na gumagabay kay Enrique Gil sa oras ng panganib.
Patuloy ang pangungulila ni Albert sa yumaong asawang si Liezel. Tanggap na rin niya ang realidad na isa-isa nang bumubukod ng tirahan ang mga anak na lumalagay sa tahimik.
Sa susunod na buwan ay dadalawin niya ang anak na si Alyanna na naka-base sa California kasama ang anak nitong three-year-old na si Amanda at asawang si Rey Macam. Mahigit isang buwan siyang magbabakasyon kasama ang anak na si Alfonso kaya doon na rin niya ipagdiriwang ang kanyang ika-57 kaarawan. Ito rin ang unang pagkakataong masisilayan niya ang kanyang apo.
Hinggil naman sa kanyang mother-in-law na si Amalia Fuentes, umiigi na raw ang kalagayan nito sapul nang ma-stroke sa Korea habang nagbabakasyon.