Nina BETH CAMIA at MARY ANN SANTIAGO
Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 10 miyembro ng Aegis Juris Fraternity, na pawang kinasuhan ng paglabag sa Anti-Hazing Law dahil sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III, matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court (RTC).
Eksaktong 11:00 umaga, dumating sa tanggapan ng NBI-Death Investigation Division sina Mhin Wei Chan, Jose Miguel Salamat, John Robin Ramos, Marcelino Bagtang, Jr., Arvin Balag, Ralph Trangia, Axel Munro Hipe, Oliver Onofre, Joshua Macabali, at Hans Matthew Rodrigo, kinumpirma ni NBI-Deputy Director Ferdinand Lavin.
Agad silang isinailalim sa booking procedure at habang isinusulat ang balitang ito, pinoproseso na rin ng NBI ang return of warrant sa hukuman.
Pansamantala rin umanong mananatili sa selda ng NBI ang mga suspek habang hinihintay pa ang commitment order ng korte.
Nitong Huwebes, naglabas ng mandamyento de aresto si Manila RTC Branch 40 Judge Alfredo Ampuan para sa 10 miyembro ng Aegis Juris Fraternity, matapos makitaan ng probable cause ang kasong inihain laban sa kanila ng Department of Justice (DoJ) na paglabag sa Anti-Hazing Law (RA 8049).
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng mga suspek.