Ni Johnny Dayang

INAPRUBAHAN ngayong linggo ng Kamara ang Budget Reform Act (House Bill 7302) na layuning tiyakin na magiging hayag, may integridad, mabisa at may pananagutan ang paggasta ng pamahalaan sa salapi ng bayan.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House appropriations committee vice chair, inaasahang babalasahin at babaguhin ng HB 7302 ang ‘budget management system’ ng pamahalaan at malaki ang maitutulong nito para matiyak ang pondo para mapuhunanan ang ambisyosong mga proyektong imprastraktura ng gobyerno.

Sinertipikang “urgent” ni Pangulong Duterte at ginabayan ni Salceda sa deliberasyon ng plenary, tampok ng HB 7302 ang mga sumusunod: 1) Babaguhin at gagawing “annual cash-based” mula sa “obligation-based” ang sistema ng paglalaan ng badyet sa ilalim ng “Appropriations Law;” sa paggasta nila sa loob ng saklaw ng taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

2) Ipatutupad nito ang konseptong “one-fund” kung saan lahat ng salaping tatanggapin ng pamahalaan ay pupunta sa “general fund” at mapapasok sa “national treasury;” maaaring lumikha ng “special funds” sa pamamagitan ng batas ngunit limitado ito sa “trust fund, revolving and retained funds;”

3) Papayagan din ang paglikha ng mga “Special Purpose Funds” ngunit limitado ito sa “National Disaster Risk Reduction and Management Fund, Contingent Fund,” at mga pondong nakatalaga na ng batas para sa mga LGU, na hindi pa tiyak ang mga detalye habang binabalangkas ang budget.

4) Madi-deklara lamang na “savings” ang anumang natipid/natirang pondo pagkatapos makumpleto ang proyekto o ipinatigil ito sa anumang kadahilanan; 5) Ang ipinatigil na mga proyekto ay hindi maaaring pondohan sa susunod na dalawang taon at ang anumang pondong hindi nagamit dahil sa kasalanan ng ahensiyang nagpapatupad sa mga ito ay hindi ituturing na “savings” o natipid;

6) Inu-otorisa ng Budget Reform Act ang mga “Constitutional Officers” na gamitin ang kanilang saving para tugunan ang anumang kakulangang pondong laan sa kanilang mga ahensiya; at 7) Itinatalaga rin nito ang pagkakaroon ng “Integrated Financial Management Information System, Single Portal Of All Financial Transactions And Reports To Be Used By National Government Agencies, Government-Owned Or Controlled Corporations (GOCCs) at LGUs para gawing magkakatugma ang sistema ng kanilang “Budgeting, Cash Management and Accounting Processes.”

May itinatalaga ito parusa sa ahensiyang hindi nakatupad sa kailangang “Reporting And Posting Of Requirements,” gaya ng mga sumusunod: 1) Hindi aapruahan ng DBM ang anumang “Request For Release” mula sa pondong embargado; 2) Maaari ding hindi aprubahan ng COA ang mga nagasta; at 3) Maaaring ituring ng COA na walang bisa at katuturan ang naturang mga nagasta.

Pinagsama-sama sa HB 7302 ang 14 na mga panukalang batas, ito ay pinamagatang “An Act to Reform the Budget Process by Enforcing Greater Accountability in Public Financial Management (PFM), Promoting Fiscal Sustainability, Strengthening Congress’ Power of the Purse, Instituting an Integrated PFM System, and Increasing Budget Transparency and Participation.

Binigyang diin ni Salceda na isusulong din ng naturang batas ang kapangyarihan ng mga mamamayan sa wastong paggamit sa yaman ng bayan, sa karapatan nila sa mga kaalaman tungkol dito, at sa pakikialam sa pagbabalangkas at pagpapatupad sa programa ng pananalapi ng pamahalaan.