Ni Marivic Awitan
NAKASALO sa liderato kung saan dating solong nakaluklok ang Centro Escolar University ang Akari-Adamson matapos ang 101-83 paggapi sa University of Perpetual kahapon sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Dahil sa panalo, tumaas ang Falcons sa markang 8-2, kapantay ng CEU. Binuksan ng Adamson ang final canto sa pamamagitan ng 8-0 run bago nila naiposte ang 84-74 na kalamangan kasunod ng dalawang sunod na baskets mula kina Papi Sarr at Sean Manganti.
Mula doon, kinumpleto ni Sarr ang isang 3-point play at dire-diretso ng kinapitan ang pangingibabaw hanggang masiguro ang tagumpay at palakasin ang tsansa para sa outright semifinal berth.
Bunga naman ng pagkabigo, nahulog ang Altas sa barahang 3-6.
Tumapos si Sarr na topscorer para sa Falcons sa itinala nitong 16 puntos kasunod si Manganti na may 14 puntos, siyam na rebounds, pitong assists at tatlong steals.
“We’ve stressing to the players that each game is important to us. I don’t want to sound hypocrite that we don’t want the top two because we want that scenario,” pahayag ni Akari coach Franz Pumaren.
Nanguna naman si Edgar Charcos para sa Altas sa itinala nitong 22 puntos at 10 assists.
Sakaling magwagi sa laban sa Jose Rizal University, makakausad ang Falcons sa semifinals.
Iskor:
Akari-Adamson (101) — Sarr 16, Mojica 15, Ahanmisi 14, Lastimosa 14, Manganti 14, Catapusan 8, Espeleta 7, Macion 6, Camacho 5, Bernardo 2, Lojera 0, Longalong 0, Zaldivar 0.
Perpetual Help 83 — Charcos 22, Aurin 15, Eze 15, Coronel 11, Tamayo 7, Mangalino 3, Precillas 3, Villanueva 3, Pasia 2, Peralta 2, Pido 0, Tiburcio 0.
Quarterscores: 22-20; 50-39; 70-67; 101-83.