Ni Mary Ann Santiago
Ipinagmalaki ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagkakasama ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Top 10 Most Improved Airports sa buong mundo.
Ikinatutuwa ni Transportation Undersecretary for Aviation and Airports Manuel Antonio Tamayo na napansin na sa buong mundo ang magandang resulta ng pagbabagong-anyo ng NAIA, mula sa malilinis at ligtas na pasilidad, hanggang sa mahuhusay at magagalang na empleyado.
“I bring some good news: as of today, tha NAIA was judged as number 10 on the most improved airports worldwide. Before it was one of the worst and now one of the most improved,” ayon kay Tamayo.
Ang pagkilala sa “Most Improved Airports” sa mundo ay base sa naging kalidad at development sa performance ng mga paliparan.
Ikinagagalak rin ni Tamayo na mapabilang sa Skytrax World Airport Award 2018 ang NAIA dahil sa ginawang malaking pagbabago sa ating paliparan.
Binati rin ng DOTr si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal at ang buong NAIA team kaugnay ng nasabing pagkilala.
Bukod sa NAIA, pasok din sa Top 10 Most Improved Airports ang Rome Fiumicino, Perth, Calgary, Taiwan Taoyuan, Athens, Nadi, Montréal, Moscow Sheremetyevo, at Houston Intercontinental.