Ni MARY ANN SANTIAGO

Nagbabala ang Food and Drugs Administration (FDA) sa publiko laban sa naglipanang pekeng paracetamol.

Sa Advisory No. 2018-081-A ng FDA, pinaalalahan nito ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng Biogesic.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa FDA, sa kanilang pagsusuri, katuwang ang Marketing Authorization Holder, Unilab Laboratories, Inc., ay napatunayan nilang pinepeke ang naturang gamot.

Sabi nito, makabubuti na sa mga kilala at lisensiyadong tindahan na lamang bumili ng gamot, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

Anila, madaling matukoy ang tunay sa pekeng produkto, lalo na at bago na ang disenyo ng packaging ng Biogesic 500 mg tablet.

“Ang lahat ng healthcare professionals at publiko ay binabalaan tungkol sa paglipana ng nasabing pekeng gamot sa merkado na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga gagamit nito. Ang publiko ay pinapaalalahanan ring bumili lamang sa mga establisyamentong lisensyado ng FDA,” bahagi ng advisory ng FDA.

“Gayundin, ang lahat ng establisyamento ay binabalaang huwag magbenta nitong napatunayang pekeng gamot na nagtataglay ng mga nasabing katangian. Ang pag-aangkat, pagbebenta at pamamahagi nito ay tahasang paglabag sa Republic Act No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009 at Republic Act No. 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs, samakatuwid may kaukulang parusang ipapataw,” dagdag pa nito.