Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Inihayag ng Malacañang na maaaring mapanagot ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng pagbulusok ng isang pampasaherong bus sa Occidental Mindoro nitong Martes, sakaling mapatunayan na nagkaroon ng kapabayaan sa tungkulin sa panig ng ahensiya.

Ito ang inihayag na posibilidad ni Presidential Spokesperson kasunod ng pagkasawi ng 19 na katao at pagkasugat ng 21 iba pa sa pagbulusok ng Dimple Star Bus unit sa isang bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro nitong Martes ng gabi, makaraang pumalya ang preno ng sasakyan.

Ayon kay Roque, sakaling mapatunayan na nabigo ang mga kawani ng gobyerno na gawin ang kanilang responsibilidad, tiyak na papanagutin ang mga nagkasala.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Pero sa ngayon, sinabi ni Roque na mas mabuting hintayin na lang ang resulta ng imbestigasyon.

“Antayin muna natin kung ano talaga ang magiging resulta ng imbestigasyon. Kung ito po ay resulta ng kapabayaan ng mga taong gobyerno, siyempre po, meron na namang masisibak,” sinabi ni Roque kahapon. “Pero sa ngayon po, nagpaparating lang po kami ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi. Darating po tayo sa punto na bibigyan natin ng katarungan ang mga nasawi.”

Bago nagsimula ang press briefing, naglaan si Roque ng panalangin at sandaling katahimikan para sa 19 na nasawi sa aksidente.

“The Palace expresses its deep sympathies with the victims, to their families and friends,” aniya pa.

Kasabay nito, pinaalalahanan ng Malacañang ang LTFRB sa regular na pag-iinspeksiyon ng ahensiya sa mga pampublikong sasakyan upang maiwasan ang mga aksidente.

“Siguro bibigyan natin ng reminder ang LTFRB na meron din silang katungkulan na mag-supervise ng mga public utilities,” ani Roque.

“At kailangan ngang paigtingin ang kampanya ng LTFRB pagdating sa maintenance ng mga bus at tsaka doon sa continuing effort na dapat ay mataas ang kakayahan ng mga public utility bus drivers,” dagdag pa ni Roque.

“Kailangang paigtingin ang kanilang responsibilidad na siguraduhin na ang mga public utility buses ay well-maintained at ang mga drivers are up-to-date as far as skills development is concerned.”

Nanawagan din ang Palasyo sa mga bus driver na maging maingat sa pagmamaneho.

“Nananawagan po kami sa lahat, lalo na sa mga tsuper ng bus, ng ibayong pag-iingat,” ani Roque. “Papalapit na ang Semana Santa at summer break kung saan libu-libo nating mga kababayan ang luluwas at uuwi sa kani-kanilang mga probinsiya.”