Ni PNA
SINIMULAN na ng Philippine Coast Guard (PCG) ng Caticlan at ng regional office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Boracay Island, Malay, Aklan ang isang linggong water sampling sa Bulabog beach, sa likod ng resort island.
Ayon kay Lt. Commander Ramil Palabrica, hepe ng PCG-Caticlan, nakikipagtulungan sila sa DENR bilang bahagi ng mandato na siguruhin na protektado ang kapaligiran ng coastline.
Naging sentro ng kontrobersiya ang Bulabog beach makaraang mapanood ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang video nito kung saan makikita ang algal blooms at ang maduming kapaligiran.
Ang video na napanood ng Pangulo noong Pebrero ang dahilan kung bakit idineklara ni Duterte ang Boracay na “cesspool”.
“This is a weeklong activity. The water samples are being taken at the beach and the coastline of Bulabog,” aniya.
Sinabi ni DENR Region 6 (Western Visayas) Assistant Regional Director Livino Duran na isusumite ang water samples sa Environmental Management Bureau sa Iloilo City na susuri sa resulta kung ligtas maligo sa isla o hindi.
At ang resulta ay ipadadala kay Pangulong Duterte.
Ang Bulabog beach, ay hindi kilala sa puting buhangin at mapayapang alon, ngunit kilala para sa wind at kite surfing.