Ni Ric Valmonte
KINANSELA ng Malacañang ang klase noong Martes dahil daw sa transport strike na isinulong ng Piston. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mayroong nakaamang panganib sa kaligtasan ng mamamayan lalo na ng mga mag-aaral. “Wala naman kaming welga. Napapraning na yata ang Pangulo,” wika ni Piston President George San Mateo. Iyong pagsususpinde ng klase dahil sa transport strike ay naglalayong pasamain ang mga tsuper na nagwewelga, ayon kay San Mateo. Ganito nga ang lumalabas dahil iyong mga naabala dahil sa pagkawala ng klase ay nagalit sa mga nagwewelga.
Nabubura sa kanila ang isyung ipinaglalaban ng mga tsuper: ang pagtutol nila sa jeepney modernization program at ang dahilan kung bakit hindi sila sumasang-ayon dito. Dapat tingnan ng publiko ang welga, hindi iyong epekto nito na nakakaabala, kundi iyong magiging epekto ng modernization program ng gobyerno, na desididong ipatupad ni Pangulong Duterte, sa pangkalahatan. Maraming mawawalan ng trabaho at tataas ang singil sa pasahe, samantalang pagkakakitaan lamang ito ng iilang mga negosyante at kasapakat nila sa pamahalaan.
Nang tanungin si San Mateo ng isang mamamahayag kung ano ang reaksiyon niya sa nakaumang bagong kasong isasampa laban sa kanya ng Land Transportation Franchasing Regulatory Board, panggigipit ito, aniya. “Matapang lamang ang gobyerno sa aming mga maliliit, pero walang magawa ito sa mga malakas at makwarta tulad nina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Napoles,” dagdag pa niya. Ipinakita ni San Mateo ang uri ng ating pulitika. Ang mga dukha at ordinaryong mamamayan, na siyang pinakamarami sa ating lipunan, ay malakas lang sa panahon ng halalan. Uutuin lang sila ng mga pulitiko tulad ni dating Pangulong Noynoy sa pagsasabing “Kayo ang boss ko.” Pero, pagkatapos ng halalan, balewala na itong mga “boss”. Ang “boss” nila ay iyong mga nag-ambag sa kanila ng malaking halaga para sa kanilang kampanya.
Wala silang pakialam kung saan nanggaling ang pondo at anong klase ng mga tao ang nag-aambag, at kung ang mga ito ay nakapinsala o namiminsala sa taumbayan.
Kaya, ang namamayagpag sa adminstrasyong Duterte ay ang mga grupo nina dating Senador Bongbong Marcos, dating Pangulo, ngayon ay Cong. Gloria Arroyo at dating Senador Manny Villar. Mga tauhan ni Pangulong Gloria ang mga nasa sensitibong posisyon sa gobyerno ni Pangulong Digong. Kaya, malaki ang problema ni Speaker Pantaleon Alvarez. Ano ba ang naitulong niya sa kandidatura ng Pangulo kumpara sa naitulong ni dating Pangulong Gloria? Bukod dito, dahil sa pag-aaway ng kanilang kabit pinahirapan ni Speaker si banana magnate, Cong. Florendo na, ayon sa opisyal na talaan, ay siya ang may pinakamalaking naimbag sa kampanya ng Pangulo. Laway at tapang ang kay Alvarez. Kapag naningil na naman si Cong.
Gloria, baka kung saan damputin si Speaker Alvarez. Ganito rin ang sitwasyon ng mga umano ay grupo ng mga landlords na sina Espinosa, Lim at Co, at maging si PDAF queen Napoles kay Pangulong Digong, kahit nasakripisyo ang kredibilidad ng kanyang war on drugs at corruption. Walang pagbabago sa uri ng ating pulitika.