Nina Genalyn D. Kabiling at Jeffrey G. Damicog

Dumistansiya si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa hakbang ng Department of Justice (DoJ) na ilagay si Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak ng pork barrel scam, sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.

Sinabi ng Pangulo na ipinauubaya niya kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagpapasya sa isyu ni Napoles.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Si Vit Aguirre -- sabi ko, ‘bakit nasabit na naman siya dito kay Napoles?’ Eh diskarte ‘yan niya eh,” ani Duterte sa pagtitipon ng kanyang mga tagasuporta sa Cuneta Astrodome sa Pasay City nitong Miyerkules ng gabi.

Kamakailan ay dinepensahan ni Aguirre ang provisional admission ni Napoles sa WPP program ng estado, dahil pumayag ito “to tell all” sa pork barrel scam.

“I believe justice will be done if Janet Napoles will be allowed to speak and tell the whole truth about this,” katwiran ni Aguirre.

Nilinaw niya na magiging state witness lamang si Napoles sa mga bagong kaso na nais ihain ng DoJ.

“If she becomes state witness, she will not be charged in the new cases to be filed,” diin ni Aguirre.

Nahaharap si Napoles sa multiple charges kabilang ang plunder at graft sa Sandiganbayan kaugnay sa pagkakasangkot niya sa multi-billion peso Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Dahil ang kaso ay isinusulong Office of the Special Prosecutor ng Ombudsman, sinabi ni Aguirre na hindi siya sigurado kung maaari pa ring magkaroon ng plea bargain deals si Napoles para sa kanyang mga kaso sa Sandiganbayan.

Sakaling pumayag ang Ombudsman sa plea bargain deal ni Napoles, papayagan siyang mag-plead guilty sa mas mababang kaso o sa isa sa ilang asunto kapalit ng pagbabasura sa iba pang mga kaso laban sa kanya. Maaari rin siyang sumumpang guilty sa orihinal na kasong kriminal kapalit naman ng mas magaan na sentensiya.