Mula sa Entertainment Tonight

ANG kilalang theoretical astrophysicist na si Stephen Hawking, na pumanaw noong Marso 14, ay ililibing saWestminster Abbey, sa tabi ng puntod nina Sir Isaac Newton at Charles Darwin.

Stephen Hawking

Inihayag ni Dean of Westminster Abbey John Hall ang balita nitong Martes, sa inilabas na pahayag sa Abbey’s website, ay kinilala at binigyang-pugay ang mga kontribusyon ni Hawking sa mundo ng siyensiya.

Bretman Rock, ibinida ang Filipina Barbie Doll na likha ng Fil-Am artist

“It is entirely fitting that the remains of Professor Stephen Hawking are to be buried in the Abbey, near those of distinguished fellow scientists,” ani Hall. “We believe it to be vital that science and religion work together to seek to answer the great questions of the mystery of life and of the universe.”

Si Newton, na inilibing sa Abbey noong 1727, ay kilala sa pagpapalawak ng pag-aaral tungkol sa natural world at pagsisimula ng pag-aaral ng physics at classical mechanics sa kanyang 1687 book Philosophiae Naturalis Principia Mathematica.

Si Charles Darwin, na inilibing naman sa tabi ng puntod ni Newton noong 1882, ay ang bantog na naturalist at geologist na nagbagi ng pag-aaral tungkol sa human species sa kanyang kontrobersyal na librong On the Origin of Species na inilabas noong 1859, na unang nagprisinta ng kanyang teorya sa ebolusyon sa pamamagitan ng natural selection.

Kabilang sa iba pang scientific luminaries na inilibing sa Westminster Abbey sina Ernest Rutherford – kinikilala bilang forefather ng nuclear physics na nakadiskubre ng konsepto ng radioactive half-life – at si Sir Joseph John Thomson -- isang Nobel Laureate sa Physics na kilala sa pagkakadiskubre sa electron at subatomic particle.

Unang gaganapin ng pamilya Hawking ang memorial service sa simbahan ng University of Cambridge, Great St Mary’s, sa Marso 31, ayon sa ulat ng BBC.

Binawian ng buhay si Hawking nitong Marso 14 sa kanyang bahay sa Cambridge, England, sa edad na 76.

Isinilang si Hawking sa Oxford, England noong Enero, 8, 1942, at na-diagnose ng Amyotrophic Lateral Sclerosis (ALS) noong siya ay 21 taong gulang. Sinabi ng mga doktor kay Hawking nang panahong iyon na mayroon na lamang siyang isa hanggang dalawang taon para mabuhay. Gayunman, hindi ito naging hadlang para abutin ang kanyang ambisyon at ipagpatuloy ang kanyang pag-asam na maging isa sa mga kinikilalang utak sa kasaysayan, kahit nanghina na ang kanyang katawan dahil sa sakit.

Noong 1988, isinulat ni Hawking ang A Brief History of Time, na nagpapaliwanag ng ilang scientific theories tungkol sa nature ng universe, gamit ang mga salitang maiintindian ng publiko, maging ng mga taong walang gaanong alam sa pag-aaral na ipinaliwanag sa libro.

Naging international hit ang libro, na bumenta ng mahigit 10 milyong kopya sa loob ng 20 taon at naisalin sa mahigit 35 wika, kaya tumatak sa publiko bilang celebrity sa mundo ng theoretical physics.

Si Hawking – na pinagkalooban ng Presidential Medal of Freedom noong 2009 – ay advocate ng many-worlds interpretation ng quantum mechanics at lumikha rin ng teorya tungkol sa radiation na inilalabas ng black holes, na kinilala bilang Hawking Radiation.

Siya rin ang subject ng 2014 biographical drama The Theory of Everything, at ang kanyang karakter ay ginampanan ni Eddie Redmayne, na nagwagi ng Oscar para sa natatanging pagganap.