Ni Martin A. Sadongdong at Mary Ann Santiago
Para sa nalalapit na Mahal na Araw, pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagsisikip pa ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay Senior Insp. Carol Jabagat, tagapagsalita ng PNP-Highway Patrol Group (HPG), magpapakalat sila ng nasa 1,500 tauhan upang tumulong sa pagmamando ng trapiko sa mga lansangan.
Bukod dito, aniya, ang mga itinalagang Police Assistance Desks (PADs) mula naman sa kanilang mga tanggapan sa rehiyon sa buong bansa.
“We would also like to remind our travellers, especially those who have their own cars, to check your vehicles,” sabi ni Jabagat.
Paalala ni Jabagat, laging isaalang-alang ng driver ang kahalagahan ng BLOWBAGETS (brake, lights, oil, water, battery, air, gas, engine, tire, and self) upang tiyakin ang maayos at ligtas na biyahe.
Samantala, naglabas din ang Department of Health (DoH) ng Road Safety Tips.
Sa abiso ng tanggapan, pinaalalahanan ng DoH ang mga motorista at biyahero na iwasang mag-text o tumawag habang nagmamaneho at tumatawid ng kalsada.
Hindi rin umano dapat magmaneho ang mga nakainom ng alak at ang mga inaantok. Mas makabubuti umanong huminto sa isang ligtas na lugar at umidlip, bago muling bumiyahe.
Ugaliin ding isuot ang seatbelt at gumamit ng helmet sa pagmamaneho.
Siguraduhing maayos ang kondisyon ng sasakyan at puno ang tangke ng gasolina, lalo na kung malayo ang biyahe.
Dapat ding sumunod lagi sa batas trapiko upang makaiwas sa disgrasya.