Ni Erik Espina

MAGUGUNITA ng mga tagasubaybay ko sa pahayagang ito (kasama ang Manila Bulletin at Tempo) sa kolum na “Anti-Dynasty Law?”, isa sa aking mga orihinal na panukala ay isama ang ‘None of the above’ (sa pagkakaliwat—wala sa mga pagpipilian) sa balota tuwing halalan. Ito ay bagong kaisipan na maituturing na “people empowerment”.

Mapapalakas nito ang proseso ng eleksiyon at titibay ang ating Republika dahil binibigyan ng dagdag pamamaraan si Juan dela Cruz na sipain o isuka, kung kinakailangan, ang mga kandidato na lagi na lamang tumatakbo sa kabila ng mga kapalpakan. Sa halip na mabuhay ang demokrasya, parang nakagapos na lang ito sa tanikala ng iilang nagtutunggaling pangalan. Mantakin mo nga naman, ang pobreng botante kadalasan pinapapili sa dalawa o tatlong pamilya sa kung aling bayan, lungsod, at lalawigan sa bansa. Sila itong namimihasa sa puwesto gamit ang tinaguriang guns, goons, at gold (drug at jueteng money).

Kapag minalas pa, ang mga kandidatong magkakalaban, parehas may balat at masamang record. Saan ka nga ngayon lalagay? Sa pulitikong may mas maiksing sungay? Hindi ba maaari na “none of the above”? Upang magkaroon ng lagusan ang madlang pipol, sa lantad na pagpapahiwatig ng kanilang pagtutol sa estado ng lokal na pamumulitika. Sinasabi nila, “Tama na, sobra na, palitan na.” Kapag namayani ang “none of the above”, dapat mabago ang wangis at anyo ng mga nais manilbihan sa bayan dahil may “failure of election”.

Ipinapaalam ng naturang pamayanan sa Comelec na kailangan magkaroon ng panibagong halalan, dahil bakante ang posisyon ng gobernador, alkalde o chairman. Itong mungkahing limitahan sa nasabing mga posisyon. Subukan lang muna natin sa piling mga pook.

Wika nga “pilot testing”. Para matuto tayo at mapag-aralan ang bentahe at kahinaan, para maayos ang kailangan gawin para sa kabutihan ng ating demokrasya. Ang konsepto ng “people empowerment”, nakalakip sa ating Konstitusyon.

Halimbawa, Artikulo XVII Mga Susog o Mga Pagbabago, Seksyon 2, pinapayagan ang “people’s initiative” sa pag-amyenda ng Saligang Batas. And’yan din ang sistema ng “Recall”, upang patalsikin ang nakaupong opisyal.