ANG legal na isyu sa pagpili kay Janet Napoles bilang state witness sa bilyun-bilyong pisong pork barrel scam na kinasasangkutan ng mga senador at kongresista ay ito: Kung siya ang utak at pinaka-guilty sa scam, hindi siya maaaring maging state witness.
Matagal nang sinasabi na siya ang nagplano ng buong scam, katuwang ang kanyang grupo na tumatanggap ng milyun-milyong pisong porsiyento mula sa pondo ng gobyerno sa pork barrel ng lehislatura sa iba’t ibang non-government organizations (NGOs) para sa iba’t ibang pekeng proyekto. Napasakamay ng NGOs ang ilan sa mga pondo, ngunit milyun-milyon ang napunta umano sa mga mambabatas.
Siya ang akmang testigo laban sa mga akusadong mambabatas — sakaling gawin siyang state witness. Ngunit kung siya ang utak ng scam at, kung ganon ay pinakamalaki ang pagkakasala, hindi siya maaaring maging state witness.
Ayon kay Justice Secretary Vataliano Aguirre II, may desisyon ang Korte Suprema na kapag mayroong dalawang akusado na halos pantay ang pagkakasala — ang isa ay mandarambong at ang isa naman ay tagasulsol — ang huli ang ikinokonsiderang pinakanagkasala. Sa panayam kamakailan, sinabi ni Aguirre na si Napoles ay may “tutor” na tumulong dito sa pagbuo ng mga pekeng NGO.
Sa nagdaang administrasyon, isinumite ni Napoles sa DoJ ang listahan ng mga mambabatas na kanya umanong nakatransaksiyon — isang dosenang senador at halos 100 kongresista — ngunit tatlong senador lamang ang nakulong, na nauwi sa alegasyon ng “selective justice” ng administrasyon. Isa ito sa mga usapin nang mangampanya si Pangulong Duterte noong 2016 presidential election.
Kapag nagtagumpay si Aguirre sa pagpili kay Napoles bilang state witness, aniya, ito ay para lamang sa mga bagong kaso sa maanomalyang paggamit ng Malampaya Fund. Mananatiling akusado si Napoles sa mga kaso ng PDAF.
Gayunman, tutol pa rin ang mga pinuno ng oposisyon na gawing state witness si Napoles sa Malampaya o sa iba pang kaso. Naghihinala silang pulitika ang dahilan. Iniulat na pinangalanan niya ang ilang senador ng oposisyon sa isang affidavit, mga senador na mahalaga sa anti-administration opposition sa Senado ay maaaring may mahalagang gampanin sa darating na Constituent Assembly at maging sa pagpapatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Totoong nagkawing-kawing na ang mga usaping legal at pulitikal na isyu at mga implikasyon sa kaso ni Napoles.
Mayroong mga basehan ang mga paghihinala, ngunit mayroon ding hangarin para sa hustisya sa pork barrel scam na naging mailap para sa ating lahat sa nakalipas na maraming taon.