SUMANDAL ang Young Rising Stars sa matikas na kampanya nina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna at whiz kid Daniel Quizon para maigupo ang Team Veteran na pinangungunahan nina International Masters Barlo Nadera at Chito Garma sa “The Battle of the Legends” nitong Lunes sa PACE office sa Quezon City.

Ginapi ni Frayna, unang Pinay GM sa bansa, si Nadera, 5-3, habang nagwagi ang 13-anyos na si Quizon, 2017 ASEAN Under-14 at 2018 Kidapawan Open champion, ang matikas na si Garma tungo sa 158.5-128.5 kabuuang iskor.

Nagwagi si Woman FIDE Master Jia Alleney Doroy kay Efren Bagamasbad, 5.5-2.5; namayani si WIM Mikee Charlene Suede kay Cesar Caturla, 7-1; tagumpay si Jeth Remy Morado kay Elias Lao, Jr., 6-2; at namayani si WFM Christy Lemiel Bernales kay Ricardo Merano, 8-0.

Nagtabla naman sina Michael Concio at Edmundo Gatus, ang tanging draw na naitala sa dalawang araw na torneo na sanctioned ng National Chess Federation of the Philippines, sa pamumuno ni Butch Pichay at inorganisa ng Chess Events Internacionale.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Namayani naman sa Veterans sina IM Ricky de Guzman kontra WFM Shania Mae Mendoza, 6.5-1.5, panalo si FM Adrian Pacis kay Chester Neil Reyes, nangibabaw si Edgardo Garma kay John Meril Jacutina, 4.5-3.5, nagwagi si IM Ronald Bancod kay FM John Miciano, 7-1, at tagumpay si Carlo Lorena kay WIM Bernadeth Galas, 5-3.

Batay sa tournament rules, naglaro ang lahat ng kalahok ng kabuuang 14 laro – dalawang standard, apat na rapid at wwalong blitz— kung saan naiuwi ng kampeon ang P30,000.

Ang event ay bahagi ng paghahanda ng National Women’s team sa pagsabak sa World Chess Olympiad na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 6 sa Batumi, Georgia, gayundin ang ASEAN Age Group Championships sa Davao City sa Hunyo 18-28.