Ni Liezle Basa Iñigo
BINALONAN, Pangasinan - Pinagbabaril at napatay ang tinaguriang Pangasinan Great Cyclist at dating Marlboro Champion na si Pepito Calip, nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Chief Insp. Lovell Dalisay, hepe ng Binalonan Police, nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa tiyan ang biktima makaraan itong pagbabarilin ng isang hindi nakilalang lalaki.
Nakatayo lamang ang biktima sa harap ng kanyang bahay dakong 6:00 ng umaga nang lapitan at pagbabarilin ng suspek.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang ilang basyo ng .45 caliber pistol.
Hinala ng pulisya, alitan sa lupa ang motibo sa pamamaslang.
Nagpahayag ng pagkadismaya sa insidente ang dating kasamahan ng biktima na si Jesus Garcia Jr., ang three-time Marlboro tour champion sa Tour of Luzon.
Nagdala ng karangalan sa Pangasinan si Calip nang magkampeon ito sa nasabing cycling event noong 1985.